Tulfo

Ortonio na-offend nang sinabihan ni Tulfo na ‘nagtatanga-tangahan’

21 Views

NAGKAROON ng mainitang sagutan sina Senator-Judge Raffy Tulfo at Office of the Vice President Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio nitong Miyerkules matapos kuwestiyunin ng senador kung bakit hindi nito masusing sinuri ang mga dokumentong sumusuporta sa paggamit ng confidential funds ng OVP.

“Nagtatanga-tangahan ka, sir. Nakakahiya ka sa eskwelahan na pinanggalingan mo. Pera ng taumbayan ’yan,” sabi ni Tulfo kay Ortonio sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Hindi pinalampas ni Ortonio ang pahayag at iginiit na maayos niyang ginagawa ang kanyang trabaho.

“I take offense, sir. I’m doing my job at ginagawa ko po nang maayos ang trabaho ko,” sagot ni Ortonio.

Binalikan siya ni Tulfo at sinabing higit na nakaka-offend sa publiko ang usapin dahil pera ng taumbayan ang pinag-uusapan.

“Mas nakaka-offend ito sa taumbayan dahil pera ito ng mga tao. Mas lalong offended ang maraming Pilipino,” sabi ni Tulfo.

“Nasa sa iyo kung patuloy kang magbubulag-bulagan. Pero kung ako ikaw, I will resign,” dagdag niya.

Naganap ang palitan habang kinukuwestiyon ni Tulfo kung bakit hindi humingi si Ortonio ng karagdagang detalye at dokumento kaugnay ng mga gamot, pagkain at iba pang supplies na iniulat na binili gamit ang confidential funds.

Sa testimonya ni Ortonio noong Martes, sinabi niyang wala siyang nakitang official receipts para sa naturang mga pagbili.

Ipinaliwanag niyang, batay sa impormasyong ibinigay sa kanya ng OVP security officer, direktang ibinigay ang pera sa mga informants o agents at sila ang bumili ng gamot, pagkain at iba pang supplies.

Sinabi rin ni Ortonio na hindi niya personal na nakita ang mga acknowledgment receipts na umano’y sumuporta sa mga transaksyon.

Nauna ring ipinakita sa impeachment court ang mga rekord ng OVP na nagsasaad na P24.93 milyon ang iniulat na cash payments para sa gamot at pagkain.

Dahil dito, tinanong ni Tulfo kung bakit hindi inalam ni Ortonio kung anong mga gamot ang binili at kung may mga prescription at iba pang dokumentong maaaring magpatunay sa mga iniulat na pagbili.

“Sir, you are a very highly educated person from prestigious schools. C’mon, it doesn’t make sense,” sabi ni Tulfo.

Ayon kay Ortonio, umasa siya sa impormasyong ibinigay ng security officer tungkol sa paraan ng pag-release at paggamit ng pera sa mga operasyon.

Kinuwestiyon din ni Tulfo ang paliwanag dahil kabilang si Ortonio sa mga naghanda ng tugon ng OVP sa mga audit observation ng Commission on Audit.

“Why not? It’s part of your job. In fact, pumirma ka eh doon sa pag-reply mo sa AOM. So pumirma ka nang nakapikit?” tanong ni Tulfo.

“No, sir. Hindi naman po na nakapikit because nagtanong naman po ako sa security officer namin on how it was released or implemented on the ground,” sagot ni Ortonio.

Ang AOM, o Audit Observation Memorandum, ay dokumentong inilalabas ng COA upang ipabatid sa isang ahensya ang audit findings o mga isyung kailangan nitong ipaliwanag o suportahan ng karagdagang dokumento.

Sa pagdinig noong Martes, ipinakita rin na magkaiba ang paraan ng OVP sa regular medical assistance at sa mga gastusing iniulat sa ilalim ng confidential funds.

Kinumpirma ni Ortonio na sa regular medical assistance program, bumibili ang OVP ng gamot mula sa partner pharmacies at may kaukulang dokumentasyon. Sa confidential-fund transactions na ipinaliwanag sa kanya, cash umano ang ibinibigay sa informants o agents na siya namang bumibili ng gamot at iba pang supplies.

Nang tanungin ni Presiding Officer Francis Escudero kung nakita man lamang niya ang acknowledgment receipts para sa mga naturang transaksyon, sinabi ni Ortonio na wala siyang personal na nakita noong panahong iyon.

Idineklara ng impeachment court si Ortonio bilang hostile witness ng prosecution noong Martes. Siya ang ikalawang OVP official na idineklarang hostile witness matapos ang dating special disbursing officer na si Gina Acosta.

Sinusuri ng impeachment court ang pag-release, paggamit at liquidation ng confidential funds ng OVP bilang bahagi ng impeachment case laban kay Duterte.