Bucoy

Bucoy: Zero ang ebidensya ng Ombudsman vs Romualdez

14 Views

ISANG public interest at human rights lawyer ang nagsabi nitong Miyerkules na “zero” ang ebidensya ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla laban kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Sa isang panayam sa radio station na dzMM, kinuwestiyon din ni Antonio “Audie” Bucoy kung bakit determinado pa rin ang Ombudsman na magsampa ng kaso laban sa kongresista ng Leyte sa kabila ng kawalan umano ng sapat na patunay.

Sinabi niya na maaaring “personal na motibasyon” ang nagtutulak kay Remulla.

Ayon kay Bucoy, matapos bawiin ng apat na “Maleta Boys,” ng dating Marine na si Orly Guteza, at ng 25 dating aide ni ex-Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang kanilang mga alegasyon laban kay Romualdez, wala nang ebidensya ang Ombudsman laban sa dating Speaker.

“Yung 25, lahat ito ay nagsabing gawa-gawa lamang at kathang-isip ang kanilang mga alegasyon. So ngayon, ano ang natitirang ebidensya laban kay Speaker Romualdez? Magaling tayo sa math, kahit mahina tayo sa math, anong sagot? Zero, wala na ho,” aniya.

Bukod dito, sinabi ng public interest at human rights lawyer na wala ring contractor o opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nag-ugnay kay dating lider ng Kamara sa flood control scam.

Napansin din niya na maging si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ay walang ginawang alegasyon laban kay Romualdez.

“Wala hong contractor na nag-ugnay kay Speaker Romualdez. Wala hong nag-ugnay kay Speaker Romualdez na mga kawani ng DPWH. Kabilang na dito yung mga whistleblower, yung mga district engineer ng Bulacan, si Usec. (Roberto) Bernardo, pati na si dating Kalihim Bonoan,” diin niya.

Wala rin umanong ghost project o substandard project na iniuugnay sa kongresista ng Leyte, dagdag niya.

Nang tanungin kung ano ang nagtutulak kay Remulla na ipagpatuloy ang paghabol kay Romualdez, sinabi ni Bucoy na tila naging personal na target na ng Ombudsman ang dating lider ng Kamara.

“Ang malinaw ho dito eh parang pinipersonal na niya ang Speaker eh. Hindi ko alam kung bakit niya iginigiit na si dating Speaker Romualdez ay may pananagutan,” aniya.

Sinabi niyang bilang isang public interest lawyer, pabor siya sa pananagutan, ngunit dapat itong nakabatay sa mapagkakatiwalaang ebidensya.

“Ako ho ay para sa pananagutan. Subalit ang pananagutan ho ay dapat batay sa matibay, katanggap-tanggap at may kredibilidad na katibayan. Yan ho ang mahalaga,” aniya.

Naalala ni Bucoy na bago pa man nagpasya ang Ombudsman na magsagawa ng preliminary investigation sa mga alegasyon laban kay Romualdez, tinawag na umano ni Remulla ang mambabatas ng Leyte bilang mastermind sa flood control scam.

Sinabi niyang nagkaroon na si Remulla ng paunang paghuhusga.

“Pinuna ko na ho yan na may pre-conviction judgment ang Ombudsman. Sapagkat nagbibitaw siya ng salita na bago pa man nagkaroon ng preliminary investigation, nagke-case build up pa lang, eh itinuro na kaagad niya si Speaker Romualdez na siya ang mastermind. Pero hindi niya sinabi kung bakit dahil wala pa ngang imbestigasyon, ngunit meron na siyang prejudgment,” aniya.

Kinuwestiyon din ng public interest at human rights lawyer ang pahayag ng Ombudsman na mayroon itong 28 saksi laban kay Romualdez, at tinanong kung kaninong naratibo nakabatay ang bagong pahayag na ito.

Sinabi niya na maaaring umaasa si Remulla kay Levito Baligod, abogado ng Maleta Boys, para sa ebidensya.

Napansin niya na kasabay ng pahayag ng Ombudsman tungkol sa 28 saksi ang pagsisiwalat ni Baligod na mayroon pa siyang 18 kasamahan ng Maleta Boys matapos bawiin ng apat na dating aide ni Zaldy Co at ni Guteza ang kanilang mga alegasyon laban kay Romualdez.

“Ewan ko kung nagkataon lamang, na si Atty. Baligod nung nalaman niya na may bumaliktad na apat na Maleta Boys, sinabi niya, ah meron pa akong 18. Nataon naman na sinabi ni Ombudsman meron 28,” aniya.

“So, ano ang ibig sabihin nito? Yung labing-walo na binanggit ni Atty. Baligod na meron siyang testigo, eh kabilang doon sa 28 na binanggit ni Ombudsman? Kung ito ay pagtutugmain natin, ibig sabihin ba nito na ang Ombudsman ay patuloy na umaasa sa ebidensiyang ibinibigay ni Atty. Baligod?,” tanong ni Bucoy.

Sinabi niyang kahina-hinala ang timing ng mga pahayag ng abogado ng Maleta Boys at ni Remulla.

“Yung timing ho, yung tiyempo ay kaduda-duda. So, kaninong naratibo na naman ito?” aniya.

Nagtaka rin siya kung bakit ngayon lamang sinasabi ng Ombudsman na mayroon itong 28 bagong saksi, na aniya ay nakababahala.

“Bakit ngayon lang lumulutang ito. Ito ba ay upang ihiwalay niya yung kasalukuyang kaso sa pabagsak na kredibilidad nung mga naunang whistleblower? Kung ganun, nakakapagtaka, hindi ba? Nakakabahala ho ito,” aniya.

Nang tanungin kung ano ang dapat gawin ng korte sakaling magsampa si Remulla ng kaso laban kay Romualdez, sinabi ni Bucoy na dapat itong i-dismiss alinsunod sa batas.

“Ang sagot ko ho ay hindi yes or no. Ang sagot ko po ay dapat. Yan ho ang naaayon sa batas, ’yan ang naaayon sa ebidensiya, at ’yan ay naaayon kung ano ang tamang gawin,” aniya.