Roy

Huwag magsampa ng kaso laban kay dating Speaker Romualdez nang walang ebidensiya — dating law dean

44 Views

HINDI dapat magsampa ng kaso ang Ombudsman laban kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung wala itong ebidensiya laban sa kanya, ayon sa isang dating law dean.

“Kung wala pang ebidensiya laban kay Romualdez, puwes iatras mo muna ’yang kaso na ’yan,” sinabi ni Judd Roy, na dating nagsilbi bilang pangulo at dean ng law school ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, sa radio station dzMM nitong Miyerkules.

Sinabi niya na hindi maaaring balewalain ng Ombudsman ang mga affidavit na ginawa ng ilang saksi, kabilang ang tinaguriang star witness na si Orly Guteza, na nagbawi ng kanilang mga akusasyon laban sa dating lider ng Kamara.

“So, masakit man tanggapin na nagkakaroon ng ganitong sitwasyon, wala tayong magagawa. Iyan ay kalayaan ng bawat tao na magsabi ng totoo. Ikaw, halimbawa, gumagawa ka rin ng salaysay; minsan nagkakamali ka kung ano-ano ang nailalagay mo,” aniya.

“Siguro naman dito, ang sinasabi ni Guteza ay iba. Hindi lamang siya nagkamali; siya ay pinangakuan ng pera at siya ay pinilit. Paano natin gagawin ngayon. Pinapasinungalingan na ni Orly Guteza na siya ang ugat ng lahat ng mga maleta at basurang ito,” aniya.

Si Guteza, isang dating sundalo ng Philippine Marine Corps at sinasabing bagman ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, ay binawi ang kanyang testimonya na naghatid siya ng mga kickback mula sa mga proyekto sa flood control kay Romualdez.

Sinabi niyang pinilit siya ni Sen. Rodante Marcoleta at dating kongresista ng Quezon City na si Mike Defensor na gumawa ng alegasyon laban sa dating lider ng Kamara.

Sa kanyang panayam sa radyo, sinabi ni Roy na magiging mahirap para sa Ombudsman na gamitin ang mga orihinal na pahayag ni Guteza at ng grupong tinatawag na “Maleta Boys,” na binubuo ng mga dating aide ni Co.

“Sinasabi niya ngayon na hindi iyon totoo. Ako ay pinilit lamang ni Defensor at ni Marcoleta. Paano natin ngayon aasahan.Tapos, iyong ipinapakitang video, malinaw na malinaw na siya ay tinuturuan ni Marcoleta kung ano ang gagawin,” aniya.

Binigyang-diin ng dating law dean na tungkulin ng Ombudsman na ipagtanggol ang bawat Pilipino, gusto man nito ang isang tao o hindi, dahil pangunahing trabaho nito ang pagpapatupad ng batas.

“Alam mo, kahit Ombudsman ka, may katungkulan ka na ipagtanggol ang lahat ng mamamayan, gusto mo man o hindi. Dahil pinakamahalaga sa trabaho ng Ombudsman ay ipatupad ang lahat ng batas. Hindi lamang ’yung batas na magpapasikat sa iyo, kundi batas ng katarungan,” giit niya.