Calendar
Ex-Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez
Walang kredibleng saksi, walang dahilan para magsampa ng kaso laban kay dating Speaker Romualdez — legal counsel

WALANG dahilan ang Ombudsman para magsampa ng kaso laban kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay ng kontrobersiya sa flood control dahil walang kredibleng saksi laban sa kanya, ayon sa legal counsel ng kongresista mula Leyte nitong Huwebes.
“Wala po kaming nakikitang dahilan kaya ang aming panalangin, ang aming hiling sa tanggapan ng Ombudsman ay i-dismiss na po ito, ibasura na itong reklamo laban kay former Speaker Romualdez,” sinabi ni Ade Fajardo.
Ayon sa kanya, kabuuang 32 dating saksi, kabilang ang tinaguriang star witness na si Orly Guteza, ang nagbawi ng kanilang mga alegasyon laban sa dating lider ng Kamara.
Sinabi niyang lahat sila ay mga dating tauhan ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na subject sa isang arrest warrant mula sa Sandiganbayan dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa kontrobersiya sa flood control.
“Wala pong credible witness, kasi nga marami nang naglabasan na mga cross witnesses na sinasabing walang nangyaring ganyang delivery ng maleta. Ito po ay galing na sa iisang grupo. Pareho silang mga driver, security, administrative aide ni former Congressman Zaldy Co,” ani Fajardo.
Binigyang-diin ni Fajardo na walang saksi na direktang nag-uugnay kay Romualdez sa kontrobersiya sa flood control at sa umano’y paghahatid ng mga kickback.
“Kahit si secretary, dating Kalihim (Manuel) Bonoan ay hindi naman nagsalita tungkol dito, hindi naman siya nag-ugnay kay Congressman Romualdez sa flood control scam. Walang ganoong testimonya,” giit niya.
“Wala rin kahit sinong district engineer o assistant district engineer o kahit sinong personnel on ground, kasi nga wala namang iniuugnay na kahit anong particular na proyekto tungkol sa flood control na hindi nangyari o hindi ginawa o pinakialaman ni former Speaker Romualdez,” dagdag pa niya.
Sinabi rin niyang wala ni isang contractor ang nagbintang o nag-ugnay sa kongresista mula Leyte sa naturang kontrobersiya.
Ayon kay Fajardo, nabasa niya ang mga ulat na inanunsyo ng Ombudsman na mayroon itong 28 bagong saksi laban sa kongresista mula Leyte.
“’Yun ang naging statement last week ng tanggapan ng Ombudsman. Pero hanggang ngayon po hindi pa namin nakikita o nababasa o nalalaman kung sino itong 28 witnesses,” dagdag niya.

