Calendar
Pagpapatibay ng Universal Social Pension Law hiniling ng mambabatas
IGINIIT ni United Senior Citizens Party List Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang pagpapatibay ng “Universal Social Pension Law” na magbibigay ng buwanang pensyon sa lahat ng Pilipinong edad 60 pataas.
Ayon kay Aquino-Magsaysay, halos isang dekada na nitong isinusulong sa Kamara de Representantes ang panukalang batas na naglalayong tiyaking walang nakatatandang Pilipino ang maiiwan sa social protection.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng senior citizens ay dapat makatanggap ng buwanang social pension mula sa pamahalaan, anuman ang katayuan at kahit tumatanggap na sila ng pensyon mula sa SSS, GSIS, PVAO o iba pang pension system.
Ang universal social pension ay hindi lamang isang benepisyo kundi pagkilala sa ambag at dignidad ng mga nakatatanda sa lipunan.
Mahalagang ipakita ng pamahalaan ang pagpapahalaga sa mga magulang, lolo at lola na nagsilbi at nag-ambag sa pag-unlad ng bansa, ayon sa mambabatas.
Kasama ang tinatayang mahigit 12 milyong nakatatandang Pilipino, nanawagan si Aquino-Magsaysay sa publiko na makiisa sa kampanyang “Labindalawang Milyong Lagda para sa Matatanda: Universal Social Pension, Ngayon Na!”
Ayon pa sa kongresista, ang bawat lagda ay magsisilbing pagpapakita ng suporta at pagmamahal sa mga nakatatandang Pilipino.
Nanawagan din siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na dinggin ang panawagan ng mga senior citizen.
“Mahal na Pangulo, panahon na po para ang Universal Social Pension ay gawin ng isang ganap na batas!” ang pahayag ni Aquino-Magsaysay.

