Cayton

Proteksyon sa menor-de-edad vs panganib ng socmed, digital platforms isinulong ng NV cong

Mar Rodriguez Aug 27, 2026
37 Views

ISINUSULONG ni Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph Cayton ang mas mahigpit na proteksyon sa mga menor-de-edad laban sa iba’t-ibang panganib sa social media at iba pang digital platforms.

Inihain ni Cayton ang House Bill No. 10760 o ang “Social Media Safety for Children Act,” na naglalayong obligahin ang mga social media platform na gawing pangunahing konsiderasyon ang kaligtasan, privacy at kapakanan ng mga batang gumagamit ng kanilang serbisyo.

Naging mas mahalaga ang usapin ng online safety kasunod ng mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan at ang patuloy na banta ng online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), trafficking at iba pang uri ng pagsasamantala na maaaring isagawa sa pamamagitan ng internet.

“Malaking bahagi na ng buhay ng ating mga anak ang internet at social media,” sabi ni Cayton.

Sa ilalim ng HB 10760, itinatakda na dapat gamitin para sa mga menor-de-edad ang pinakamataas na available na privacy at safety settings bilang default.

Layunin din ng panukala na higpitan ang hindi hinihinging pakikipag-ugnayan o unsolicited contact mula sa mga adult account at limitahan ang exposure ng mga bata sa mapanganib na content.

Itinatakda rin ng panukala ang 16 taong gulang bilang minimum age upang magkaroon ng sariling social media account nang walang pahintulot ng magulang.

Para naman sa mga batang 13 hanggang 15-anyos, kakailanganin ang beripikadong pahintulot mula sa magulang o guardian.

Kasama rin sa panukala ang paghihigpit sa “targeted advertising” na nakatuon sa mga bata.

Nais din ni Cayton na gawing disabled bilang default ang ilang feature na maaaring maghikayat ng labis o matagal na paggamit ng social media, gaya ng autoplay, infinite scroll at streak mechanisms.

“Hindi natin dapat hintaying may masamang mangyari bago tayo kumilos. Habang nagbabago ang teknolohiya, dapat sumabay ang ating mga batas upang mas maprotektahan ang ating mga anak,” dagdag pa ng mambabatas.