DILG

DILG chief nangako ng aksyon sa mga kaso ng VAWC na kinasasangkutan ng babaeng pulis

Mar Rodriguez Aug 28, 2026
41 Views

NANGAKO si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ng agarang aksyon upang maprotektahan ang mga babaeng pulis laban sa karahasan at harassment na may kaugnayan sa kanilang kasarian.

Sa isinagawang budget deliberations sa Kamara de Representantes, binigyang-diin ni Remulla na seryosong tinatrato ng DILG ang mga kaso ng Violence Against Women and their Children (VAWC) at nangakong magsasampa ng kaukulang kaso laban sa sinumang mapatunayang sangkot sa harassment o karahasan sa hanay ng Philippine National Police (PNP).

“We take it very seriously, ma’am, that if there is harassment among the ranks, that we will file the appropriate charges, whoever they may be,” ang naging pahayag ni Remulla.

Ayon sa kalihim, may nauna nang kaso na isinampa ng PNP kaugnay ng alegasyon ng karahasan laban sa kababaihan na kinasasangkutan umano ng isang miyembro ng Kongreso at kanyang security personnel. Sinabi niyang naihain na rin ang kaukulang kaso sa Department of Justice (DOJ).

Samantala, hinimok ni Gabriela Party List Rep. Sarah Elago ang DILG na repasuhin at amyendahan ang polisiya nito hinggil sa “settlement o reconciliation” sa pagitan ng mga biktima at umano’y perpetrators ng VAWC.

Ayon kay Elago, hindi dapat pinapayagan ang ganitong uri ng pag-aareglo, partikular sa mga kasong may kinalaman sa physical abuse, dahil taliwas umano ito sa itinatadhana ng Anti-VAWC Law.

“Dapat niyo pong baguhin itong policy na ito kasi sa ilalim po ng anti-VAWC law, bawal po ang pag-aareglo lalo na po sa mga kaso ng physical abuse—hindi po dapat ito pinapayagan,” sabi ni Elago.

Tugon naman ni Remulla, handa ang DILG na sumunod at gumawa ng kinakailangang pagbabago sa kanilang polisiya.

Iginiit ni Remulla na personal niyang binibigyang-pansin ang mga reklamo ng harassment laban sa mga babaeng personnel ng PNP.

“I particularly am very sensitive about this. If there is any complaint against harassment of women personnel in the PNP, I take it very seriously and [I’ll] prosecute [the perpetrators] to the best of my ability,” pahayag ng kalihim.

Ayon kay Remulla, mahalagang matiyak na may sapat na proteksyon ang mga babaeng pulis at hindi magiging hadlang ang kanilang katayuan bilang law enforcement personnel upang hindi maaksyunan ang mga reklamo ng karahasan o harassment laban sa kanila.

To God be the Glory