Barbers

BARBERS: GOBYERNO DAPAT SAGUTIN OSPITAL,GASTUSING MEDIKAL NG MGA BIKTIMA NG LEPTOS

Mar Rodriguez Aug 28, 2026
38 Views

HINIKAYAT ni Surigao del Norte 2nd District Representative at ngayo’y spokesperson at adviser ng House Impeachment Team na si Robert Ace S. Barbers ang pamahalaan partikular ang Department of Health (DOH) na sagutin o malaking bahagi ng gastusing medikal at pagpapaospital ng mga Pilipinong tinatamaan ng leptospirosis matapos silang lumubog sa baha.

Ayon kay Barbers, dapat magpatupad ang gobyerno ng isang programang kahalintulad ng mga “Bayanihan program” noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung saan malaking bahagi ng gastusin sa ospital ng mga biktima ay sinagot ng pamahalaan.

Sinabi ni Barbers na kinakailangan ang isang agarang hakbang dahil libu-libong Pilipino umano ang kasalukuyang dumaranas ng leptospirosis na dulot ng pagbaha, na iniuugnay niya sa mga problemang kinakaharap sa flood control programs ng pamahalaan.

“People are being made to suffer the consequences of failed flood control programs and inadequacies of local government units and other agencies in giving timely warnings and anticipations of weather disturbances,” ani Barbers.

Ayon pa sa dating kongresista, napipilitan ang mga mamamayan na harapin ang baha dahil sa kakulangan ng napapanahong babala at paghahanda na naglalagay sa kanilang kalusugan at buhay sa panganib.

Dagdag pa nito, ang pagkakalantad sa baha ay maaaring humantong sa mga sakit gaya ng leptospirosis, na maaaring maging banta sa buhay kapag hindi agad nagamot.

Kinuwestiyon ni Barbers kung ilang buhay pa ang kailangang mawala bago tuluyang magpatupad ang pamahalaan ng sapat na intervention.

“How many more deaths should occur before proper interventions and actions must be initiated by the government? One death is one too many,” sabi pa ni Barbers.

Ibinida rin ng dating mambabatas ang sunod-sunod na problemang maaaring nagpalala sa sitwasyon—mula sa umano’y mga palpak na flood control projects, problema sa solid waste management, hanggang sa pagkaantala ng mga babala at pagtugon sa mga pagbaha.

Sabi ni Barbers, sa huli, ang mga ordinaryong mamamayan ang higit na naaapektuhan.

Iginiit ni Barbers na dapat ding isaalang-alang ng pamahalaan ang mabigat na gastusing kinakaharap ng mga pamilyang may miyembrong tinamaan ng leptospirosis.

“Hanggang sa pagpapagamot ba kailangan pa rin nilang magdusa at maghintay ng kamatayan?” tanong nito.

Sinabi nitong maraming pasyente ang hindi kayang pumunta sa pribadong ospital dahil sa mataas na halaga ng pagpapagamot.

Para kay Barbers, panahon na upang akuin o kahit bahagyang saluhin ng pamahalaan ang responsibilidad sa gastusing medikal ng mga biktima.

“It is time for government to take or share responsibility,” ani Barbers.

Umaasa si Barbers na kung tatanggapin ng pamahalaan ang kanyang panukala, mas mabilis na maisasagawa ang kinakailangang medical intervention at mas lalaki ang pagkakataong makaligtas ang mga pasyente.

Hinimok din ni Barbers ang mga lokal na pamahalaan at law enforcement agencies na maglaan ng mas maraming sasakyang kayang bumiyahe sa mga binahang lugar.

Layunin nito na mailikas at madala sa ligtas na lugar ang mga stranded na commuter at residente nang hindi na kailangang lumusong mismo sa baha.

Ayon kay Barbers, bukod sa agarang pagtugon sa mga pasyenteng may leptospirosis, mahalaga rin ang mabilis na evacuation at transportasyon ng mga mamamayang nasa peligro upang maiwasan ang karagdagang pagkakasakit at pagkamatay.

To God be the Glory