Calendar
Bomb threat sa NU-MOA hoax lang
PANSAMANTALANG kinansela ang pang-umagang face-to-face classes sa isang unibersidad matapos makatanggap ng banta sa seguridad Huwebes ng umaga sa Pasay City.
Alas-7:40 ng umaga nang makita ng isang tauhan ng Safety Office ng National University-Mall of Asia (NU-MOA) ang bomb threat na naka-post sa Facebook page ng pamantasan kaya’t kaagad nila itong itinawag sa pulisya.
Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, kabilang ang mga operatiba ng Pasay City Police Station, PNP Explosive Ordnance Disposal (EOD), K9 Unit at Bureau of Fire Protection (BFP) kaya’t ipinasiya ng pamunuan ng NU-MOA na gawin munang remote synchronous learning ang pang-umagang klase.
Muli namang ibinalik ang face-to-face classes sa naturang pamantasan dakong ala-1:00 ng hapon makaraang ideklara ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto na walang anumang uri ng bomba sa unibersidad batay sa ginawa nilang clearing operation sa buong campus.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Pasay Police sa PNP Anti-Cybercrime Group upang matukoy ang pagkakakilanlan ng nag-post sa FB page ng naturang pamantasan.

