Cabanatuan

Ika-130 taon ng Sigaw ng Nueva Ecija gugunitain hanggang Setyembre 6

Steve A. Gosuico Sep 4, 2026
51 Views

Cabanatuan1Cabanatuan2CABANATUAN CITY–Ginugunita sa siyudad na ito ang ika-130 anibersaryo ng Sigaw ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng isang linggong selebrasyon.

Nagsimula ang selebrasyon noong Agosto 31 at tatagal hanggang Setyembre 6 sa 4th level ng SM City- Cabanatuan.

Pinagtipon sa programa ang mga historians, guro, artists, heritage advocates, mga apo ng mga bayani at mga miyembro ng komunidad.

Inorganisa ang event ng First Nueva Ecija NGOs-POs Partnership for Development, sa pangunguna ni Irma Cecilio, katuwang ang SM City Cabanatuan.

Tampok sa pagdiriwang ang exhibit tungkol sa Himagsikang Pilipino noong 1896 na layuning mailapit sa publiko, partikular sa mga kabataan, ang mga pangyayari na may kaugnayan sa pakikibahagi ng Nueva Ecija sa rebolusyon.

Isinagawa ang isang on-the-spot art contest ng mga estudyante kung saan binigyang-kahulugan sa pagpinta sa pamamagitan ng kanilang mga obra.

Sinundan ito ng art exhibit mula Setyembre 3 hanggang 6 na magtatampok ng mga likhang-sining na inspirasyon ang kasaysayan, kultura at pamana ng Nueva Ecija.

Kabilang sa dumalo sina Director Alvin Alcid ng National Historical Commission of the Philippines, Benedict Valmonte Pablo, apo ni Gen. Pantaleon Valmonte; Rose Natividad Palou-Policarpio, apo ni Atty. Mamerto Natividad Sr.; at Lorelei Soriano, apo ni Heneral Mariano Llanera.

Katuwang rin ang mga opisyal ng Department of Education Cabanatuan City Schools Division, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng edukasyon sa pagpapanatiling buhay ng kasaysayan para sa susunod na henerasyon.

Isa rin itong pagkakataon upang muling pag-ugnayin ang komunidad sa mga kuwento ng mga taong tumulong humubog sa pagkakakilanlan ng probisya.