Calendar
Cory Aquino General Hospital isang taon na, dinalaw ni Mayor Isko
ININSPEKSYON ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Pres. Corazon Aquino General Hospital (dating Baseco hospital) noong Linggo ang mga bagong medical equipment ng ospital.
Unang anibersaryo ng pampublikong ospital nang dumalaw ang mayor.
Nakita ng mayor ang pagkakabit ng X-ray machine, dalawang laboratory refrigerators, at dalawang anesthesia machines, upang mapalakas ang serbisyong pang-kalusugan sa mga residente ng Baseco.
Ang Baseco ang tanging barangay sa Maynila na may sariling ospital.
“Hindi lang pagtatayo ng pasilidad. Kailangan may sapat na kagamitan para maayos natin maibigay ang serbisyong pangkalusugan sa mga Manileño,” pahayag ni Mayor Domagoso.
Nilinaw ni Baseco hospital Director Dr. Naomi Lachica Licuanan na kailangan pang kumpletuhin ang kinakailangang feeder line at electrical upgrade bago maikabit ang X-ray machine.
Sa oras na makumpleto, isasailalim pa ito sa calibration upang makakuha ng Certificate of Calibration bago makapag-apply ng accreditation sa Food and Drug Administration (FDA).
Nagpasalamat ang alkalde sa Divina Law founder na si Atty. Nilo Divina sa donasyong mga silya at mesa.

