Student

SUSPECT SA PAGPASLANG SA GRADUATING NURSING STUDENT ARESTADO

Steve A. Gosuico Sep 8, 2026
72 Views

Student1SAN ANTONIO, Nueva Ecija — Nahulog na sa kamay ng batas ang sinasabing suspect sa brutal na pagpaslang nitong Linggo kay Anne Pauline Fajardo, isang scholar na graduating student sa kursong nursing ng Wesleyan University-Philippines (WU-P) sa Cabanatuan City.

Kinilala ang arestadong suspect na isang 27-anyos na lalaki, na kapitbahay ng biktima sa Bgy. Sto. Cristo dito.

Ayon kay police head Major Ernesto V. Esguerra, magkakilala umano ang suspect at ang 21-anyos na biktima.

Dagdag niya: “Nanghihiram ng pera si suspect sa victim pero wala itong maipahiram kaya nag-away silang dalawa hanggang sa masakal ng suspect ang biktima at mapatay.”

Sa inisyal na impormasyon, sinakal umano ng suspect ang biktima na naging sanhi ng agarang pagkamatay nito. Natagpuan itong wala nang buhay sa loob ng kanilang tahanan dakong alas diyes ng umaga Linggo.

Sa pagtakas ng suspect, tinangay nito ang iPhone na gamit at pag-aari ng biktima.

Unang naitimbre sa Camp Crame sa pamamagitan ng Unified 911 ang insidente na isang kaso ng “suicide by hanging” kung kaya ay nagpursige sa pagsisiyasat ang kapulisan kung ano nga ba ang tunay na pangyayari.

Sinasabing nag-iisa lamang umano na nakatira ang biktima sa kanilang bahay.

Ang ina nito ay isang caregiver sa ibang bansa at yumao na ang kanyang ama samantalang isang seaman naman ang isang kapatid ng biktima.

Sa harap ng isang abogado na pinili niya, ang arestadong suspek ay nag-execute umano ng isang extra-judicial confession na umaamin sa krimen na nagawa niya, ayon kay Esguerra.

Samantala, hinihintay pa ng awtoridad ang opisyal na SOCO at autopsy report sa biktima, gayundin ang docket number ng habla laban sa suspect sa piskalya.

Nauna rito ay naglabas ng pahayag ng pagkondena sa insidente ang (WU-P) at ang College of Nursing at pagsigaw ng hustisya sa pagpaslang sa biktima, na tinawag nilang isang “dedicated student, a cherished friend, and a promising future nurse.”