Calendar
10 ‘palaboy’ kasama sanggol, 2 aso iniligtas sa Maynila
INILIGTAS ng mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang mga palaboy at nilinis ang mga kalye noong Lunes sa iba’t-ibang lugar sa Maynila.
Umabot sa 10-katao, kabilang ang isang sanggol at dalawang alagang aso sa lansangan, ang na-rescue nina MDSW Director Jay Dela Fuente katuwang ang mga tauhan ng Veterinary Inspection Board (VIB) sa iba’t-ibang barangay dakong alas-4:00 ng hapon.
Sinuyod ng MDSW team ang Rizal Avenue, Roxas Boulevard mula Vito Cruz hanggang Quirino Avenue, Carriedo, ilalim ng MacArthur Bridge at paligid ng Ospital ng Maynila.
Hinakot din nila ang mga itinayong barong-barong sa gilid ng lansangan.
Kinumpiska rin ng mga tauhan ng MDSW ang ilang gamit ng mga palaboy tulad ng mga kutsilyo, martilyo at screwdriver at dinala ang mga walang kaanak sa Manila Boystown Complex sa Marikina.
Isinagawa ang operasyon batay sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na gustong panatilihing malinis at maayos ang lungsod.
