Acidre

MAS MAHIGPIT NA PROTEKSIYON SA MGA BATA SA SOCMED, ONLINE GAMING ITINUTULAK

Mar Rodriguez Sep 8, 2026
15 Views

INAPRUBAHAN ng House Committee on Welfare of Children nitong Lunes ang substitute bill para sa panukalang “Children’s Social Media and Online Gaming Safety Act” na naglalayong palakasin ang proteksiyon sa mga batang gumagamit ng social media at mga social at interactive features ng online gaming platforms.

Pinagsama-sama sa panukala ang 41 House bills kabilang ang House Bill No. 6080 na pangunahing inakda nina TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre.

Naging prayoridad ang child online safety sa Kamara at ehekutibo matapos itong maisama noong Agosto sa Common Legislative Agenda ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) kasunod ng panukalang iniharap ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy G. III para sa Kamara de Representantes.

Matagal nang isinusulong ni Speaker Dy ang mas mahigpit na proteksiyon para sa mga bata sa online environment, habang lalo pang binigyang-diin ng mga kamakailang insidenteng kinasasangkutan ng mga kabataan ang pangangailangang suriin ang mga panganib at impluwensiyang kanilang kinakaharap online at offline.

Ayon kay TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre, ipinapakita ng pag-apruba ng komite na kailangan ang balanseng polisiya na kumikilala sa mahalagang papel ng mga magulang ngunit hindi iniiwan sa kanila lamang ang responsibilidad sa kaligtasan ng mga bata online.

“Mahalaga ang papel ng mga magulang sa paggabay sa kanilang mga anak online, pero hindi dapat inaasahan na pamilya lamang ang aako ng responsibilidad na ito. Hindi rin tama na isisi natin sa social media o online games ang lahat ng problemang kinakaharap ng kabataan. Pero hindi natin maaaring balewalain kung gaano kalaki ang impluwensiya ng mga platform na ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay at may kaakibat itong responsibilidad,” pahayag ni Acidre.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng age-based safeguards para sa mga batang gumagamit ng social media at iba pang saklaw na digital services.

Hindi papayagang gumawa, magparehistro, magpanatili o gumamit ng account ang mga batang wala pang 13 taong gulang kabilang ang mga social at interactive features ng online gaming platforms.

Samantala, maaaring gumamit ng mga naturang serbisyo ang mga 13 hanggang wala pang 18 taong gulang ngunit sasailalim sa privacy at safety protections na angkop sa kanilang edad.

Bukod sa age restrictions, inaatasan din ang mga saklaw na digital platform na magkaroon ng safety-by-design at age-appropriate protections.

Kabilang dito ang mga hakbang laban sa mapanganib o hindi angkop na content at interactions, paghihigpit sa komunikasyon ng mga bata sa hindi kilalang adults, at default limits sa:

– pampublikong visibility ng account;
– precise geolocation;
– targeted advertising;
– behavioral profiling; at
– hindi kinakailangang pagkolekta o pagbabahagi ng personal information.

Tinutugunan din ng panukala ang mga feature na maaaring maghikayat sa mga bata na gumamit nang matagal o mahirap kontroling paggamit ng digital platforms.

Para sa mga bata, ipagbabawal sa mga covered services ang livestreaming, endless scrolling at short-form video feeds o “shorts.” Magkakaroon din ng karagdagang safeguards para sa autoplay at intrusive notifications.

Nililinaw rin ng panukala na ang parental consent, supervision o paggamit ng safety tools ng mga magulang ay hindi nag-aalis sa sariling pananagutan ng digital platforms sa ilalim ng iminungkahing batas.

Ayon kay Acidre, kailangang nakapaloob mismo sa disenyo at operasyon ng mga digital platform ang proteksiyon sa mga bata.

“Hindi sapat na sabihin na bantayan na lamang ng mga magulang ang online activities ng kanilang mga anak. Hinuhubog ng mga platform na ito kung ano ang nakikita ng mga bata, kung sino ang kanilang nakakausap at kung gaano katagal sila online. Kung ganoon kalaki ang kanilang impluwensiya, dapat ganoon din kalinaw ang kanilang pananagutan,” ani Acidre.