Calendar
SPEAKER DY: KAHUSAYAN GAMITIN PARA MAIANGAT ANG KAPWA, MAPAGLINGKURAN ANG BAYAN
HINIMOK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga Pilipino na gamitin ang kanilang mga kakayahan at talento hindi lamang para sa pansariling tagumpay kundi upang mapabuti ang buhay ng kapwa at makatulong sa pag-unlad ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa pagkilala sa mga 2026 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos, sinabi ni Speaker Dy na ipinakita ng mga pinarangalan ang tunay na kahulugan ng pagiging mahusay na higit pa sa inaasahan o “Beyond Excellence” sa pamamagitan ng kanilang dedikasyon sa serbisyo publiko.
“Ang excellence ay pagiging mahusay sa ginagawa mo. Ang ‘beyond excellence’ naman ay kapag ang kabutihang ginagawa mo ay nakikinabang ang iba. Kapag lumalampas ka sa inaasahan sa iyo upang mapaglingkuran ang ating mga kababayan,” sabi ni Speaker Dy.
Dagdag pa niya, ang tunay na kahusayan ay makikita sa pagbibigay nang walang hinihintay na kapalit at paglalagay ng serbisyo sa kapwa higit sa pansariling interes.
Kinikilala ng Metrobank Foundation Outstanding Filipinos Program ang mga guro, sundalo at pulis na nagpapakita ng kahusayan sa kanilang propesyon at nagsasagawa ng mga tungkuling higit pa sa kanilang inaasahang responsibilidad.
Kabilang sa mga pinarangalan ngayong taon ang:
Para sa mga Guro:
– Dr. Emmanuel D. Guarde — Master Teacher III, Cornelio Lintawagin Memorial Elementary School, Naujan, Oriental Mindoro
– Sheila Marie M. Amigo — Master Teacher I, Siay National High School, Siay, Zamboanga Sibugay
– Dr. Cecilia O. Bucayong — Professor VI at Director for Environmental and Safety Management, Central Mindanao University, Maramag, Bukidnon
– Dr. Jefferson A. Hora — Professor VI at Dean ng College of Engineering, Mindanao State University–Iligan Institute of Technology, Iligan City, Lanao del Norte
Para sa mga Sundalo:
– Staff Sergeant Joebelle O. Cerdinio (SC) PA — Signal Non-Commissioned Officer ng 102nd Infantry Brigade, 1st Infantry Division, Philippine Army
– Staff Sergeant John Daren P. Noche PAF — Non-Commissioned Officer-in-Charge for Safety ng Tactical Operations Group 10, Philippine Air Force
– Lieutenant Colonel Rommel M. Geli PN(M) — Commanding Officer ng Marine Battalion Landing Team 9, 3rd Marine Brigade, Philippine Marine Corps
Ayon kay Speaker Dy, ipinakita ng mga awardee na maaaring gawing instrumento ng paglilingkod sa bayan ang propesyonal na kahusayan.
“Sa inyong mga ginagawa, ipinapakita ninyo na ang husay ay maaaring maging paraan ng paglilingkod. Ang talento ay maaaring maging malasakit. At ang tagumpay ng isang tao ay maaaring maging daan upang umangat ang karamihan,” pahayag ng Speaker.
Binigyang-diin ng Speaker na ang pag-unlad ng Pilipinas ay hindi lamang nakasalalay sa mga programa ng pamahalaan at malalaking desisyon sa polisiya, kundi maging sa milyun-milyong Pilipinong ginagamit ang kanilang kakayahan para sa kapakanan ng nakararami.
“Ang pag-unlad po ng Pilipinas ay hindi lamang nakasalalay sa malalaking programa o desisyon—nakasalalay rin ito sa milyun-milyong Pilipinong gumagamit ng kanilang kakayahan hindi lamang para sa pansariling pakinabang, kundi upang maging katuwang natin para sa pag-angat ng sambayanan,” ani Speaker Dy.
Sinabi rin ng Speaker na ang kabayanihan ay hindi lamang makikita sa mga pahina ng kasaysayan. Makikita rin umano ito araw-araw sa mga gurong hindi sumusuko sa kanilang mga estudyante, mga pulis na nagpoprotekta sa komunidad, mga sundalong naglilingkod nang malayo sa kanilang pamilya at mga ordinaryong Pilipinong tumutulong kahit walang naghihintay na pagkilala.
“Araw-araw, may mga Pilipinong tahimik na gumagawa ng kabayanihan at kabutihan,” ani Speaker Dy.

