Magsaysay

Pagkuha ng retired, senior teachers bilang guidance counselors iminungkahi

Mar Rodriguez Sep 8, 2026
12 Views

BUNSOD nang tumitinding karahasan at pambu-bully sa loob ng mga paaralan, iminumungkahi ni United Senior Citizens Party List Rep. Milagros Aquino-Magsaysay sa pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang pagkuha o hiring ng mga retirado at senior citizens na guro para magsilbing guidance counselor sa mga pribado at pampublikong eskuwelahan.

Ikinababahala ni Aquino-Magsaysay ang mga kaso ng bullying at karahasan na nangyayari sa mga paaralan matapos ang insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban Leyte at sa Ateneo de Zamboanga kung saan ilang estudyante ang namatay at malubhang nasugatan.

Dahil sa mga naganap na karahasan, ipinagpapalagay ng Lady solon na mistulang hindi nagagabayan ng husto ang mga estudyante sa pribado o pampublikong paaralan man dahil sa kabila ng mahigpit o estriktong patakarang ipinatutupad ng mga school administrator. Nangyayari parin ang mga ganitong insidente.

Kaya ang inilalatag na panukala ng kongresista para sa DepEd ay ang pagkuha ng mga retired teachers para magamit sila bilang mga guidance counselor upang tuluyan ng resolbahin ang nasabing problema sa mga paaralan.

Ikinatwiran ni Aquino-Mgasaysay na malalim at malawak ang karanasan ng mga senior citizen at retiradong guro partikular na sa aspeto ng pagdi-disiplina at pagtuturo ng good manners and right conduct (GMRC) sa mga mag-aaral.

Ang mga kukuhaning guidance counselor, sabi pa ng kongresista, ay sasahuran sa pamamagitan ng honorarium o job order.

“Gusto ko lang i-raise na issue ay yung violence nga sa mga school, yung mga estudyante na binabaril ang kanilang mga kapwa mag-aaral. Parang hindi sila guided, kasama na sa problemang ito yung bullying. So they can use this retired senior citizens na teachers na capable pa na gawin silang mga guidance counselor. Kasi ang mga senior citizens na teacher are experience,” ayon kay Aquino-Magsaysay.

sa aspeto naman ng bullying na patuloy parin nangyayari sa mga paaralaan. Binigyang-diin ni Aquino-Magsaysay na wala naman problema sa mga kasalukuyang batas laban dito, kundi ang implementasyon aniya para masagkaan ang mga ganitong kaso sa iba’t-ibang eskuwelahan.

“Kung minsan kasi eh’ maganda naman ang mga batas natin sa Kongreso at Senado. Kaya nga lamang ang problema kasi eh’ yung implementation ng batas ang nagkukulang,” sabi pa ni Magsaysay.