Cayetano Source: Jesus Falcis FB

Paglipad ni Cayetano di issue, hayaan siyang magpahinga sa stress na siya rin gumawa — Lacson

29 Views

HINDI muna isyu para kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pagbiyahe ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Singapore pero may pasaring siya sa kanyang mensahe ng pahinga.

“This is not an issue as of the moment. Let’s make him (them) take a break from the stress caused by issues that he himself created,” sabi ni Lacson.

Umalis si Cayetano patungong Singapore noong Miyerkules ng gabi sakay ng Singapore Airlines flight SQ 921 mula sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3. Walang hold-departure order laban sa senador.

Sa halip na kuwestiyunin ang biyahe, sinabi ni Lacson na dapat munang hayaang magpahinga si Cayetano.

Binanggit din niya ang asawa nitong si Taguig Mayor Lani Cayetano at naghaka na maaaring may kinalaman sa kalusugan ang kanilang biyahe.

“For all we know, Sen Alan and his wife’s trip has something to do with reproductive health, which Singapore is known for. If it is simply health related, I sincerely wish him well despite our animosities,” ani Lacson.

Walang inilatag na ebidensya si Lacson na health-related o may kinalaman sa reproductive health ang biyahe.

Nangyayari ang pagbiyahe habang may mga imbestigasyong kinakaharap si Cayetano kaugnay ng mga alegasyon sa 2019 Southeast Asian Games at mga proyektong imprastraktura sa Taguig.

Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation ang conduct at financing ng 2019 SEA Games, kung saan nagsilbing chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee si Cayetano.

Sinabi ng NBI na sinusuri nito ang bilyun-bilyong pisong pampublikong pondong umano’y nailabas sa labas ng karaniwang safeguards sa competitive bidding at government audit.

Mariing itinanggi ni Cayetano ang mga paratang ni Lacson at inakusahan itong nagsasagawa ng “demolition job,” “trial by publicity” at “witch hunt” laban sa Taguig.

Sinabi rin niyang kaya niyang sagutin nang isa-isa ang mga alegasyon ngunit mas nais niyang ituon ang pansin sa agarang pangangailangan ng mga biktima ng baha at iba pang problema ng mga Pilipino.