Calendar
House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon
Prosecution pinag-iisipang gawing hostile witness asawa ni VP Sara

PINAG-IISIPAN ng House prosecution panel na ipatawag si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Z. Duterte, bilang hostile witness sa impeachment trial sa Senado, ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon nitong Huwebes.
Sinabi ni Ridon na pinag-aaralan ng mga prosecutor kung magiging mahalaga ang testimonya ni Carpio sa Article II ng impeachment complaint, na nag-aakusa sa bise presidente ng umano’y pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Si Ridon, na kabilang sa prosecution panel na inatasang maglahad ng ebidensya para sa Article II kasama si Akbayan Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno, ay nagsabing maaaring ipatawag si Carpio kung lumitaw ang kanyang pangalan sa mga rekord pinansyal o dokumentong may kaugnayan sa mga alegasyon.
“Pwede pong pag-isipan, kasi siyempre kung halimbawa napapangalanan siya doon sa ilang mga bank accounts, kung napapangalanan po siya doon sa ilan pong mga dokumento, eh I think rightfully, pwede pong maipatawag para maitanong yung katotohanan sa likod po ng mga dokumento na ito,” ani Ridon.
Gayunman, nilinaw niya na hindi pa kabilang si Carpio sa kasalukuyang listahan ng mga testigong ihaharap ng prosecution.
“Sa tingin ko, maaga pa talaga ito sa aming mga pag-uusap… Wala pa naman po sa pinag-uusapan na may sama po si Atty. Carpio doon po sa bilang po ng witnesses po namin as a hostile witness,” aniya. “Pero pwede po naming pag-isipan ito.”
Sinabi niyang patuloy pa ring pinag-uusapan ang posibilidad at wala pang pinal na desisyon ang prosecution kung isasama si Carpio bilang hostile witness.
Kabilang sa paunang listahan ng mga testigo ang mga opisyal at kinatawan mula sa mga bangko, Office of the Ombudsman, Bureau of Internal Revenue (BIR), at Securities and Exchange Commission (SEC). Inaasahang magbibigay sila ng mga rekord tungkol sa mga transaksiyong pinansyal, pagbabayad ng buwis, at mga rehistradong negosyo ng bise presidente at ng kanyang asawa.
Ayon kay Ridon, nakuha na ng prosecution ang mga dokumentong ipinatawag ng Senate impeachment court, kabilang ang mga rekord na may kaugnayan sa mga bank account at corporate registration.
Nasa kustodiya rin ng prosecution panel ang isang ulat mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagdedetalye ng mga transaksiyong pinansyal na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon na kinasasangkutan ng mag-asawang Duterte-Carpio sa loob ng 20 taon. Iniulat na ilang bangko ang nag-flag sa mga transaksiyong ito bilang covered at suspicious transactions.
Ipinakita sa ulat na mahigit P4 bilyon ang pumasok na pondo o inflows, habang nasa humigit-kumulang P1.5 bilyon naman ang lumabas na pondo o outflows.
Nakatakdang simulan nina Ridon at Diokno sa Lunes ang paglalahad ng ebidensya tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.
Hiniling ng prosecution sa impeachment court na maglabas ng subpoenas para sa unang tatlong testigo.
Bago ilahad ang mga ebidensya, naghain din ang prosecution ng request for admission kaugnay ng mga bank account at transaksiyong pinansyal ni Duterte.
Nauna nang sinabi ni Diokno sa korte na kung kukumpirmahin ni Vice President Duterte ang pagkakaroon ng mga naturang account, maaaring hindi na kailangang iharap ng prosecution ang hindi bababa sa 15 testigo, na makatutulong upang mapabilis ang mga paglilitis.

