Calendar
Sen. Risa Hontiveros
Dagdag kama nga ngunit walang dagdag nars, doktor
NAGBABALA si Sen. Risa Hontiveros laban sa pagdaragdag ng malalaking bed capacity sa batas kung hindi naman sasabayan ng sapat na doktor, nurse, kagamitan, gamot at operating funds sa aktuwal na serbisyo.
Sinabi ni Hontiveros sa pagdinig na 28 panukalang batas para sa 19 ospital at health facilities sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang sinusuri ng komite.
“Hindi sapat ang ospital sa papel,” sabi ni Hontiveros.
Hindi lamang pagtatayo ng gusali, pagpapalit ng pangalan o pagdaragdag ng kama ang dapat tingnan ng Senado.
“Kapag nagdaragdag tayo ng beds, dapat may dagdag ding doktor, nurse, allied health professionals, equipment, gamot, diagnostics, at operating funds. Kapag sinabi nating Level III, dapat Level III din ang potensyal at tunay na serbisyo,” ayon sa kanya.
Tinukoy din ni Hontiveros ang panganib ng pagtatakda ng isang libo o higit pang kama sa batas kung hindi ito sasabayan ng sapat na tao, kagamitan at budget.
Batay sa mga rekord, isang panukala ang naglalayong itaas ang bed capacity ng SOCCSKSARGEN General Hospital sa Surallah, South Cotabato mula 75 sa 1,500 beds at i-upgrade bilang regional medical center.
Hiniling ni Hontiveros sa Department of Health na tukuyin kung saan talaga kulang ang serbisyo, ano ang tamang hospital level at bed capacity, ilang health workers ang kailangan, at magkano ang kakailanganin para sa personnel services, maintenance and other operating expenses at capital outlay.
Tinukoy rin niya ang magkakapatong na panukala.
Sa SOCCSKSARGEN General Hospital, sinabi niyang pareho ang layuning mag-upgrade ngunit magkaiba ang proposed bed capacity at hospital classification.
Sa Mabini Community Hospital sa Batangas naman, sinabi ni Hontiveros na may walong bills—pito para sa specialty hospital at isa para sa Level II general hospital—na may magkakaibang mungkahing pamamahala.
Batay sa mga rekord ng Kamara, isa sa mga panukala ang naglalayong i-convert ang Mabini Community Hospital bilang Batangas Tourism Specialty Hospital.
Kailangang ayusin at pag-isahin ang magkakapatong na proposals at piliin ang bersyong pinaka makakatugon sa pangangailangan ng mga pasyente.
Sinabi rin niyang kung gagawing regional o specialty hospital ang isang local facility, kailangang malinaw kung sino ang mamamahala, sino ang magpopondo at paano ito ikakabit sa referral network.

