Pasaway sa abroad hindi lang demotion aabutin

27 Views

SINABI ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na binago ang polisiya sa mga sundalong nagkakamali habang nasa ibang bansa upang hindi lamang demotion ang kahihinatnan matapos tanungin ni Sen. Erwin Tulfo kung pinaalalahanan silang sumunod sa batas ng host country.

“Do we remind them, Sec. Teodoro, whenever our forces are in other countries for these exercises? Do we remind them that there are laws that they have to follow para hindi naman they’re actually, they represent our country. Are they reminded?” tanong ni Tulfo.

“Yes, Your Honor,” sagot ni Teodoro.

Ayon sa kalihim, may mga pagkakataon noon na pinauuwi na lamang ang personnel matapos ang insidente at may mga reklamo rin na ang ilang officers o enlisted personnel ay dina-demote lamang.

Hindi tinukoy sa pagdinig ang mga partikular na insidente, pangalan ng personnel, paglabag na na-commit o parusang ipinataw.

Gayunman, sinabi ni Teodoro na “no less than sterling” ang kasalukuyang record ng Filipino military personnel sa ibang bansa.

Binanggit niya ang isang Filipino cadet sa isang Korean naval academy na aniya’y sumali sa elocution contest sa Korean language at nanalo.

“I know of one cadet in a Korean Naval Academy where he even joined an elocution contest in Korean and won,” sabi niya.

Sinabi rin ni Teodoro na isang recent Filipino graduate sa isang Australian defense academy ang tumanggap ng pagkilalang “most outstanding foreign graduate.”

Binanggit din niya ang isang ensign na inilarawan niyang “cyber warfare awardee” ng United States Naval Academy at ngayon ay isa sa kanyang policy consultants.

Sa mga halimbawang ito, sinabi ng kalihim na ang Filipino personnel abroad ay “overperforming” at maayos ang asal.

Lumabas ang usapin habang sinusuri ng Senate Committee on Foreign Relations ang Philippines-France Status of Visiting Forces Agreement.