Pagpapaliban ng SK, Brgy polls parang sirang plaka na Kongreso

29 Views

PARANG ‘sirang plaka’ na ang Kongreso sa paulit-ulit na pagsasabing huling beses na ang pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan elections, ayon kay Sen. Joel Villanueva.

Sa deliberasyon ng Senate Bill No. 2387, sinabi ni Villanueva na hindi siya tutol sa panukalang limang-taong termino pero gusto niya ay ituloy ang halalan ngayong Nobyembre at ipatupad ang five-year term sa mga mananalo.

“Every time we come across this kind of measure, postponement, laging sasabihin huli na ito, last na ito. Parang natatawa ko for the record ng ating presiding officer. Kasi parang sirang plaka na tayo huli na ito, huli na ito at huli na ito,” sabi ni Villanueva.

Inamin niyang kabilang din siya sa mga mambabatas na dati nang nagsabing iyon na ang huling postponement.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12232, na inaprubahan noong Agosto 13, 2025, apat na taon ang termino ng barangay at SK officials.

Kinuwestiyon ni Villanueva kung bakit isang taon lamang matapos maisabatas ang four-year term ay pinag-uusapan na itong gawing limang taon.

Mungkahi ni Villanueva na ituloy ang November 2026 elections at prospectively na ibigay ang limang-taong termino sa mga mahahalal ngayong taon.

Sinabi ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, sponsor ng panukala, na hindi niya ipinapangakong ito na ang huling pagkakataong babaguhin ng Kongreso ang termino o iskedyul ng barangay at SK elections.

“Wala po akong pinapangakong ito na ang huli, hindi na muling mangyayari,” sabi ni Escudero.

Ayon kay Escudero, may kapangyarihan ang Kongreso sa ilalim ng Constitution na itakda ang termino ng barangay at SK officials.

Isa sa mga dahilan ng panukala ang pag-iwas sa pagsabay ng barangay at SK elections sa national and local elections.

Kung matutuloy ang 2026 polls at limang taon ang magiging termino, sinabi niyang papatak sa 2031 ang susunod na BSKE, kasabay ng national and local elections.

Wala pang pinal na desisyon ang Senado kung pananatilihin ang November 2026 election schedule o babaguhin ito.