Dy3

P7.2T ’27 budget susuriin mabuti ng Kongreso–Speaker Dy

Mar Rodriguez Sep 12, 2026
116 Views

TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na susuriin ng House of Representatives ang bawat sentimo sa panukalang P7.2 trilyong badyet para sa 2027 upang matiyak na tama ang paglalaan ng pondo, malinaw ang deliberasyon at tunay na mapapakinabangan ng mga Pilipino.

Sa ikaapat na LegisHear public consultation sa South Cotabato, sinabi ni Speaker Dy na kabilang sa pinakamahalagang trabaho ng Kamara ngayon ang pagsusuri sa national budget.

“Alam n’yo marami pong napakahahalagang isinusulong ang House of Representatives pero ang pinakaimportante sa lahat na isinusulong namin ay ang ating national budget,” wika ni Speaker Dy.

Nasa proseso na ang Kamara ng budget deliberations at sisiguraduhing maayos na maprograma at mailaan ang perang nagmumula sa buwis at paghihirap ng mga Pilipino.

“Ang bawat sentimo, ang bawat pinagpawisan ng ating mga kababayang Pilipino ay nasa tama ang pagpapa-programa at pag-aallocate ng mga pondong malalagyan nito,” dagdag nito.

Iginiit niya na kailangang maging masusi ang mga mambabatas sa pagsusuri kung saan mapupunta ang pondo at kung ano ang konkretong resulta na maaasahan ng publiko mula sa paggastos ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Speaker Dy ang kahalagahan ng transparency sa pagtalakay sa mga panukalang pondo ng iba’t ibang departamento at ahensya ng gobyerno.

“Ang Kongreso ngayon ay pinagsisikapan namin na talagang maging maayos, maging transparent ang bawat pagtatalakay ng bawat budget ng mga iba’t ibang departments,” pahayag ni Speaker Dy.

Suportado ng mga miyembro ng Kamara ang pagsusuri kung ang bawat pondong inilaan sa mga proyekto ay may malinaw na pakinabang sa publiko.

Ayon sa kanya, dapat magkaroon ng konkretong epekto ang bawat pisong inilaan ng gobyerno, lalo na sa pagpapabuti ng kabuhayan at kalidad ng buhay ng mga pamilyang Pilipino.

“Tinitingnan nilang mabuti na ang bawat pisong inilalaan sa isang proyekto ay dapat merong impact sa kabuhayan at kung maaari ay makapagbigay o maiangat namin ang kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino,” ani Speaker Dy.

Samantala, nakumpleto na ng House Committee on Appropriations ang nakatakdang agency-level deliberations para sa P7.2 trilyong national budget para sa 2027.

Hiningan ng paliwanag ang iba’t-ibang departamento at ahensya hinggil sa kanilang mga panukalang gastusin, programa, target at prayoridad.

Pormal na inanunsyo ni Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing ang pagtatapos ng mga pagdinig noong Martes ng gabi kasunod ng mosyon ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato Rep. Ferdinand “Dinand” Hernandez.