Calendar
Romualdez pinandigan kawalan ng kasalanan
PINANINDIGAN ng dating Speaker ng Kamara at kasalukuyang kinatawan ng Leyte na si Ferdinand Martin G. Romualdez na wala siyang kasalanan matapos maghain ng “not guilty” noong Miyerkules sa Sandiganbayan.
Dumalo si Romualdez sa pamamagitan ng videoconference mula sa Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City, at doon niya inihayag ang kanyang plea sa arraignment sa harap ng Third Division ng Sandiganbayan.
Nananatili si Romualdez sa infirmary ng kulungan para sa patuloy na pagmamanman sa kanyang kalagayan.
Iginiit niya ang kanyang pagiging inosente sa mga akusasyon ng Ombudsman na tumanggap umano siya ng mga kickback na may kaugnayan sa mga proyekto ng imprastraktura ng pamahalaan.
Kabilang sa kanyang mga kapwa akusado ang dating chairman ng House Committee on Appropriations at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na nananatiling at large o hindi pa nahuhuli.
Matapos ang arraignment, sinabi ng abogado ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo na ginamit ng kanyang kliyente ang kanyang karapatang hindi na ipabasa ang Information na naglalaman ng pormal na kasong isinampa laban sa kanya.
“Karapatan niyang hindi na ipabasa ang mga kaso dahil maaari itong magdulot ng karagdagang stress. Isa siyang abogado at ilang beses na naming pinag-aralan ang Information, ngunit hindi ito pinayagan ng korte,” sabi ni Fajardo.
“Ngunit iginagalang namin ang mga proseso ng korte,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Fajardo na hindi pa nagpapasya ang depensa kung hihiling sila ng waiver of appearance, o pahintulot na hindi na kailangang personal na dumalo si Romualdez sa mga susunod na pagdinig.
Sinabi naman ng isa pang miyembro ng legal team ni Romualdez na si Atty. Rachel Ann Pomoy na balak ng dating Speaker na magsampa ng petition for bail o petisyon para sa piyansa kaugnay ng kasong plunder.
Ang plunder ay isang kasong hindi pinapayagan ang piyansa, ngunit ang korte ang magpapasya sa isang bail hearing kung pasok sa itinakdang pamantayan ang mga ebidensiya laban kay Romualdez.

