Calendar
Kung laging absent, di makakaganap sa tungkulin
KINWESTIYON ni retired Chief Justice Artemio Panganiban kung dapat makapagpasya sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang mga senator-judge na hindi makabuluhang nakilahok sa paglilitis.
“Neither can such duty be performed in the shadows of absence, nor from legal impediments,” ani Panganiban sa pagharap sa Senate impeachment court bilang amicus curiae o friend of the court.
Sinabi ni Panganiban na ang makabuluhang paghatol ay nangangailangan ng aktibong pakikilahok sa paghahanap ng katotohanan at pagiging patas, kabilang ang pagsusuri sa mga dokumento, pakikinig sa mga testigo at sariling pagtimbang sa ebidensya.
Binanggit ni Panganiban ang mga senator-judge na maaaring nasa ibang bansa, nagtatago, legal na nakakulong, may sakit, nakaospital o wala sa proceedings at hindi nakasuri ng mga dokumento, nakarinig ng testimonya o nakakita sa kilos at paraan ng pagsagot ng mga testigo.
Tinanong niya kung makatarungan bang makapagpasya ang mga nasa ibang bansa na “looking at the pyramids along the Nile,” namimili sa Paris, nakasakay sa gondola sa Venice o “deliberately hiding in the dark corners of the world,” habang ang iba ay personal na dumadalo sa paglilitis.
Wala siyang pinangalanang partikular na senador sa mga halimbawang ito.
Sinabi ni Panganiban na ang konstitusyonal na tungkulin ng mga senator-judge ay “cannot always be reduced to abstract arithmetic.”
Para sa kanya, nakukuha ang katotohanan sa pagsusuri ng mga dokumento at pakikinig at pagmamasid sa mga testigo, habang hinihingi ng pagiging patas na marinig ang magkabilang panig bago magpasya.
“Active participation and independent evaluation of the evidence are essential to discharge the Senate’s and the Senator’s constitutional responsibility,” aniya.
Nasa sentro ng usapin ang Article XI, Section 3(6) ng Konstitusyon na nagsasabing walang maaaring ma-convict sa impeachment nang walang concurrence ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
Sa 24-member Senate, matematikal na katumbas ng 16 ang two-thirds.
Kinilala ito ni Panganiban. “Two-thirds of 24 is mathematically 16. Therefore, 16 votes are necessary to convict if we must use mathematics,” aniya.
Nag-ugat ang threshold dispute sa pagkuwestiyon ni Sen. Erwin Tulfo sa ruling ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na nangangailangan ng 16 affirmative votes para sa conviction batay sa buong 24-member Senate.
Sinabi ni Tulfo na ang kanyang tanong ay kung dapat manatiling kasama sa voting base ang mga senator-judge na hindi makalahok, at hindi simpleng kung dapat ibaba ang threshold.
Ipinunto rin niya na ang patuloy na pagbibilang sa mga absent na senador ay maaaring magkaroon ng epekto na parang boto laban sa conviction dahil affirmative votes ang kailangan upang maabot ang constitutional threshold.
Inilarawan din ni Panganiban ang impeachment bilang sui generis, o may sariling katangian, dahil mayroon itong legal at politikal na aspeto.
Aniya, ang mga senator-judge ay hindi ordinaryong hukom kundi mga halal na kinatawan na inatasan ng Konstitusyon na litisin at desisyunan ang impeachment cases.
Nakatakdang maglahad ng oral arguments ang prosecution at defense sa Sept. 23 bago aksyunan ng senator-judges ang challenge sa 16-vote ruling.
