SC ‘di saklaw Senate impeachment court–Puno

139 Views

HINDI nakapailalim sa superbisyon ng Supreme Court ang Senate impeachment court sa paglilitis at pagdedesisyon sa kaso ni Vice President Sara Duterte, ngunit maaari pa ring repasuhin ang mga aksiyon nitong lumalabag sa Konstitusyon at due process, ayon kay dating chief justice Reynato Puno.

Sa kanyang pagharap bilang amicus curiae, sinabi ni Puno na nagmumula ang kapangyarihan ng Senado sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution.

Nakasaad sa probisyon na ang Senado ang may “sole power to try and decide all cases of impeachment.”

Ayon kay Puno, kasama sa kapangyarihang ito ang paggawa ng mga tuntunin sa paglilitis at pagbibigay-kahulugan sa probisyong nagtatakda ng two-thirds vote para sa conviction.

“The Senate, as an impeachment court, possesses the power to interpret the meaning and nuances of that sentence,” ani Puno.

Sinabi niyang gumaganap ang Senate impeachment court ng judicial function ngunit hindi ito bahagi ng regular court system na nasa ilalim ng administrative supervision ng Supreme Court.

Hindi aniya dapat palitan ng Supreme Court ang pagpapasya ng senator-judges kung paano isasagawa ang paglilitis, paano titimbangin ang ebidensiya at kung paano dedesisyunan ang impeachment case.

Tinukoy ni Puno ang mga ito bilang political questions o mga usaping ipinagkatiwala ng Konstitusyon sa impeachment court.

Ngunit nilinaw niyang hindi ligtas sa lahat ng uri ng judicial review ang mga aksiyon ng senator-judges.

“Not all the actions taken by the Senate impeachment court in the exercise of its sole power to try and decide impeachment cases are political in character,” ani Puno.

Maaari aniyang repasuhin ng Supreme Court ang mga aksiyong lumalabag sa constitutional rights at due process.

Kabilang dito ang hindi makatuwirang pagpigil sa isang senador na umupo bilang judge at ang pagkakait sa respondent ng karapatang litisin ng independent, fair and impartial tribunal, ayon kay Puno.

Iniugnay ni Puno ang karapatan sa isang impartial tribunal sa due process protection sa Article III, Section 1 ng Konstitusyon.

Binanggit din niya ang Article 10 ng Universal Declaration of Human Rights at Article 14(1) ng International Covenant on Civil and Political Rights.

Sa ilalim naman ng Article VIII, Section 1 ng Konstitusyon, maaaring tukuyin ng mga korte kung may grave abuse of discretion ang alinmang sangay o instrumentalidad ng pamahalaan.

Sa July 25, 2025 ruling nito sa naunang impeachment case laban kay Duterte, sinabi ng Supreme Court na saklaw ng judicial review ang mga legal na isyu sa impeachment at umiiral ang due process sa lahat ng yugto ng proseso.

Gayunman, malinaw sa argumento ni Puno ang pagkakaiba ng pagrepaso sa constitutional violation at ng muling pagtimbang sa ebidensiya o pagpapasya kung dapat ma-convict o ma-acquit ang respondent—mga tungkuling iniukol niya sa senator-judges.

Iniugnay din ni Puno ang kapangyarihang magbigay-kahulugan ng impeachment court sa debate kung palaging 16 ang kailangang boto upang mahatulan si Duterte.

Tinanggihan niya ang stand-alone literal interpretation na gagawing “fixed and immutable” ang 16-vote requirement.

Nananatiling umiiral ang naunang ruling ni Presiding Officer Francis Escudero na 16 boto ang kailangan para sa conviction hangga’t hindi ito binabago ng impeachment court.

Nakatakdang iharap ng prosecution at defense ang kanilang mga argumento sa Sept. 23 bago bumoto ang senator-judges sa apela ni Sen. Erwin Tulfo tungkol sa voting threshold.