Acidre

Acidre hinimok Senado na ipasa bill para mahihirap makapag-aral sa private schools

132 Views

Ex-Speaker Romualdez pangunahing may akda

HINIMOK ang Senado na ipasa ang panukalang batas na magbibigay sa mahihirap ng mas malawak na access sa dekalidad na edukasyon sa mga pribadong paaralan.

Noong Huwebes, hinimok ni TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre ang Senado na bigyang-priyoridad ang pag-apruba sa panukalang batas na naipasa na ng Kamara de Representantes, na pangunahing inakda ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na naglalayong bigyan ang mga mag-aaral mula sa mahihirap at panggitnang uri ng pamilya ng mas malawak na access sa dekalidad na edukasyon sa mga pribadong paaralan.

“Ako ay nananawagan sa ating mga katuwang sa Senado na bigyang-priyoridad ang panukalang ito upang mas marami sa ating mga karapat-dapat na kabataan mula sa mga pamilyang may problemang pinansyal ang makapag-enrol sa mga pribadong paaralan sa pamamagitan ng programang voucher na pinopondohan ng gobyerno,” pahayag ni Acidre.

“Ang edukasyon ang magbibigay-lakas sa kanila upang maiahon ang kanilang sarili at kanilang mga pamilya mula sa kahirapan, at upang makatulong sa iba at sa kanilang mga komunidad,” dagdag niya.

Ang House Bill (HB) No. 4744 ay inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa noong Oktubre ng nakaraang taon. Agad itong ipinadala sa Senado para sa sariling pagtalakay at pag-apruba.

Isa ito sa mga prayoridad na panukalang batas ng administrasyong Marcos sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na inakda ni Romualdez.

Karamihan sa mga prayoridad na panukalang ito ay naipasa ng Kamara de Representantes noong panahon ni Romualdez bilang Speaker.

Ang HB 4744 ay kabilang sa mahabang listahan ng mga nagawa ng mambabatas ng Leyte bilang miyembro ng Kamara. Kabilang sa mga co-author ng panukala sina dating Senior Deputy Speaker at kasalukuyang Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos at Pasig City Rep. Roman Romulo, na siyang namumuno sa House Committee on Basic Education na nag-endorso ng panukala.

Pinalalawak ng panukalang batas ang tulong-pinansyal para sa mahihirap ngunit karapat-dapat na mga mag-aaral sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 6728, o ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act, sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang private education voucher program na sasaklaw sa lahat ng taon ng basic education, mula kindergarten hanggang senior high school.

Nakasaad sa panukala na ang tulong na voucher ay maaaring ibigay sa mga mag-aaral na kabilang sa “middle-income families and below,” ayon sa pagtukoy ng Philippine Statistics Authority (PSA), na nag-aral sa mga pampublikong paaralang tinukoy ng Department of Education (DepEd) bilang masisikip, o yaong mga nakatira sa mga lugar na may masisikip na paaralan o walang malapit na pampublikong paaralan, at nais mag-enrol sa mga pribadong paaralan ng basic education.

Ang mga mag-aaral mula sa “most vulnerable” at “underprivileged” na pamilya ay maaaring tumanggap ng mas mataas na halaga ng tulong. Ang dalawang terminong ito ay bibigyang-kahulugan ng DepEd sa mga implementing rules and regulations nito.

Pipiliin din ng DepEd ang mga paaralang lalahok batay sa mga pamantayang itinakda sa panukalang batas.

Maaaring bigyan ng pribilehiyo ang mga mag-aaral at magulang na pumili ng kanilang nais na paaralan mula sa listahang ibibigay ng DepEd, depende sa availability ng mga slot.

Inaatasan ang DepEd na bayaran o i-reimburse ang mga kalahok na paaralan sa loob ng 60 araw mula sa pagsusumite ng kumpleto at wastong mga dokumento.

Nagbibigay rin ang panukala ng tulong sa mga guro sa mga kalahok na paaralan tulad ng pagsasanay, scholarship, research grants, at mga programang pang-propesyonal na pag-unlad.

Binibigyan din nito ang DepEd ng opsyon na magmungkahi ng subsidiya sa sahod ng mga guro sa mga kalahok na paaralan na popondohan ng gobyerno.

Layunin din ng panukalang batas ang paglikha ng Bureau of Private Education sa ilalim ng DepEd na mangangasiwa sa lahat ng programa, usapin, at isyung may kaugnayan sa basic education.