Calendar
Aeronautical course inilunsad ng CAAP
INILUNSAD ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sa pamamagitan ng Civil Aviation Training Center (CATC), ang kauna-unahang batch ng Aeronautical Information Service Comprehensive Course (AISCC) noong Setyembre 15.
Ang programang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ni Acting Secretary ng Transportasyon Giovanni Lopez na palakasin ang sektor ng aviation sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kakayahan at paglinang ng mga propesyonal na may kakayahang tumugon sa pandaigdigang pamantayan ng kahusayan.
May kabuuang 35 kalahok mula sa Maynila, Cebu, at Davao ang sasailalim sa apat na buwang training at dalawang linggong programa upang matutuhan ang mga kaalaman at kasanayang kinakailangan sa pagsasagawa ng mahahalagang tungkulin sa Aeronautical Information Service (AIS).
Pagkatapos ng pagsasanay, magiging bahagi ng manpower ng AIS Department ang mga nagsipagtapos upang higit pang mapalakas ang kakayahang operasyon ng CAAP.
Ayon kay CAAP Director General Raul Del Rosario, ang inisyatibong ito ay sumusuporta sa Next Generation of Aviation Professionals (NGAP) program ng International Civil Aviation Organization (ICAO).
Layunin ng NGAP na matiyak ang tuluy-tuloy na paglinang ng mga bihasang eksperto upang isulong ang pag-unlad, palakasin ang kaligtasan, at panatilihin ang kompetitibong posisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang industriya ng aviation.
Muling pinagtitibay ng CAAP ang pangako nitong paunlarin ang kasanayan at kakayahan ng mga aviation professionals upang matiyak na ang serbisyo ng Aeronautical Information Service ay maibibigay sa pinakamataas na antas ng kahusayan ng mga tauhan ng CAAP alinsunod sa lumalaking pangangailangan ng industriya.

