Fish

Aksyon sa krisis sa karagatan isinusulong

340 Views

NAGBABALA si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa matinding panganib sa kabuhayan at seguridad sa pagkain ng bansa matapos lumabas ang datos na patuloy ang pagbagsak ng huli ng isda sa mga munisipal na baybaying-dagat. Tinawag niya itong “pambansang emerhensiya” na nangangailangan ng agarang tugon mula sa pamahalaan.

Batay sa ulat ng pandaigdigang grupo na Oceana, nasa pinakamababang antas na ang huli ng isda sa mga katubigang nakalaan para sa maliliit na mangingisda. Ayon kay Pangilinan, pangunahing sanhi nito ang matagal nang problema ng labis na pangingisda at ilegal na komersyal na operasyon sa mga lugar na eksklusibo para sa mga munisipal na mangingisda.

“Remember that this is not just a fisheries issue; it is a national concern affecting millions of Filipinos who rely on our oceans for livelihood and food,” aniya.

Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang palakasin ang mga batas kontra ilegal na pangingisda, dagdagan ang pondo para sa mga teknolohiyang makakalikasang ginagamit sa pangingisda, at palawigin ang suporta sa mga maliliit na mangingisda.

Iminungkahi rin ni Pangilinan ang pagbuo ng isang hiwalay na Department of Fisheries and Aquatic Resources na tututok sa pamamahala at pangangalaga ng mga yamang-dagat. Layunin nitong tiyakin na ang kita mula sa karagatan ay mapupunta sa mga mangingisda at kaakibat na industriya, habang pinapanatili ang biodiversity.

Sa kanyang panukala, magiging mandato ng nasabing kagawaran ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas sa pangisdaan at pagsulong ng “the highest possible income for fisherfolk, and fishery-related enterprises.”

Kaugnay nito, iginiit ng senador ang kahalagahan ng mga lokal na inisyatiba gaya ng Community-Based Ecosystem Approaches to Fisheries Management (CEAFM) at Community-Based Coastal Resource Management (CRM). Layon ng mga programang ito na bigyang-lakas ang mga komunidad, muling buhayin ang mga tirahan ng isda, at patatagin ang mga Fisheries and Aquatic Resources Management Councils (FARMCs).

“This must be a wake-up call to us. Let us not fail our fishermen. Let us not fail our people, with whom we made a pact to end hunger, secure the food supply, and lower the prices of food,” babala pa niya.

Sa huli, hinikayat ni Pangilinan ang Department of Agriculture at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na manguna sa pagbuo ng mga solusyong makatao, siyentipiko, at pangmatagalan upang maisalba ang mga yamang-dagat ng bansa bago pa ito tuluyang maubos.