Alahas

Alahas na mahigit P1M ninenok, nagnenok huli

135 Views

NASAKOTE ng mga miyembro ng Quezon City Police District ang babae na umano’y nagtangay ng mahigit P1 milyon halaga ng alahas sa condominium unit sa South Triangle, Quezon City noong Agosto 27.

Kinilala ang suspek na si alyas Ana.

Ayon sa report ng Kamuning Police Station 10, alas-7:30 ng umaga ng magising ang 25-anyos na biktima at bumulaga sa kanyang kuwarto ang suspek na nakaupo sa kama at nagme-makeup.

Ayon sa biktima, tenant lamang ang suspek at sa sala ito pinatutulog kaya walang pahintulot na pumasok sa kanyang kuwarto.

Umalis ang suspek dakong alas-10:20 ng umaga.

Nang maligo ang biktima at bumalik sa kanyang kuwarto dakong alas-12:24 ng tanghali, napansin niyang nawawala ang tatlong pouch ng mga alahas.

Tinatayang P1.007 milyon ang halaga ng mga gintong at white-gold na alahas.

Sa paghahanap ng biktima sa hinihigaan ng suspek sa sala, natagpuan ang dalawang bracelet chain sa plastic zip-lock bag at ang duplicate na susi ng kanyang kuwarto.

Naiwan din sa bag ang isang Buddha pendant na nagkakahalaga ng P250,000 ngunit nawawala ang white-gold chain nito.

Dakong alas-8:10 ng gabi nang bumalik ang suspek sa lobby ng condominium at agad itong inaresto ng mga rumespondeng pulis.

Narekober sa suspek ang dalawang bracelet chain, duplicate na susi at Buddha pendant pero hindi pa rin nababawi ang iba pang alahas.

Kinasuhan si Ana ng theft sa Quezon City Prosecutor’s Office.