Calendar
Mayor Isko inilagay sa high alert evancuation center, pagamutan
INILAGAY sa “high alert” ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga evacuation centers, district welfare offices, mga pampublikong pagamutan, at 44 na health centers, matapos ang walang tigil na pagbayo ng malalakas na ulan araw ng Sabado.
Dahil dito, inatasan ni Manida Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Dela Fuente ang mga district welfare offices sa lungsod na magbukas at maging alerto upang makatugon kaagad sa mga lumikas na pamilya na nanunuluyan sa mga evacuation center.
Iniulat naman ni City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDDRRMD) Director Arnel Angeles ang paglalim ng baha sa mga lansangan sa bahagi ng Taft Avenue malapit sa Quirino Avenue, U.N. Avenue, T.M. Kalaw, bahagi ng Rizal Avenue mula Cavite St. hanggang C.M. Recto, at kahabaan ng Jose Abad Santos mula Solis hanggang Tayuman.
Nauna ng itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa red alert warning ang National Capital Region at karatig lalawigan alas-11 ng tanghali hanggang alas-5 ng hapon.
Tiniyak naman ni Mayor Domagoso na may makukuhang Doxycycline capsules ang mga lumusong sa baha sa lahat ng kanilang health center at pitong pagamutan bilang kampanya ng alkalde laban sa leptospirosis.
Maging ang mga barangay health workers ay inatasan din ni Mayor Domagoso na magbahay-bahay upang alamin kung may miyembro ng pamilyang nakakaranas ng sintomas ng leptospirosis upang kaagad itong maagapan.

