Calendar
Alak, vendors sa San Beda, UST bawal sa Bar exams
MAGPAPATUPAD ang Manila ng liquor ban, pagbabawal magtinda ang mga vendors at mag-ingay sa paligid ng San Beda University at University of Sto Tomas (UST) sa panahon ng bar exam.
Base ito sa utos ni Mayor Isko Moreno na nakasaad sa Executive Order No. 41 na sumasakop sa 500-meter radius ng dalawang pamantasan na layuning makatutok ng husto sa pagsusulit ang mga examinees.
Ipapatupad ang liquor ban sa paligid ng dalawang pamantasan mula hatinggabi ng Setyembre 6 hanggang alas-10:00 ng gabi ng Setyembre 7; mula hatinggabi ng Setyembre 9 hanggang alas-10:00 ng gabi ng Setyembre 10; at mula hatinggabi ng Setyembre 13 hanggang alas-10:00 ng gabi ng Setyembre 14.
Pagbabawalan mula Setyembre 6 hanggang hatinggabi ng Setyembre 8, 9, 12, 14, at 16 upang mapaluwag ang daraanan ng mga pedestrian ang mga ambulant vendors sa paligid ng naturang mga paaralan sa loob ng 500-meter radius.
Hindi rin pahihintulutan ang mga videoke, karaoke, paggamit ng loudspeaker at iba pang lumilikha ng ingay, maging ang pagsasagawa ng political rallies, parada, salubong, pagsasagawa ng party concerts at iba pang kaganapang lilikha ng ingat sa mga kumukuha ng Bar exams.
Isasara rin ang Dapitan St. mula alas-2:00 ng madaling araw hanggang alas-7:00 ng gabi at dalawang linya sa westbound lanes ng Espana Boulevard sa Setyembre 7, 10, at 15 at Extremadura St. malapit sa UST.

