Valeriano

Alang-alang sa delikadeza, VP Sara dapat ng magbitiw bilang Kalihim ng DepEd — Valeriano

Mar Rodriguez Apr 23, 2024
129 Views

IGINIIT ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na alang-alang sa usapin ng delikadeza, makabubuting magbitiw na lamang si Vice-President Inday Sara Duterte bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd).

Bagama’t nagbigay na ng kaniyang paliwanag si VP Duterte na wala umanong kinalaman ang kaniyang mandato bilang Kalihim ng DepEd sa namumuong iringan nila ni First Lady Liza Araneta-Marcos, binigyang diin ni Valeriano na kailangang lisanin na ni Duterte ang pagiging miyembro ng Gabinete.

Ipinaliwanag ni Valeriano na mistulang kinokonsinte at hinahayaan lamang ng Pangalawang-Pangulo ang mga binibitiwang pahayag o maaanghang na statements ng kaniyang pamilya laban kay President Bongbong R. Marcos, Jr. kabilang na dito ang panawagang magbitiw ang Pangulo.

Ayon kay Valeriano, ang pinakamatindi sa mga binitiwang pahayag ng pamilya ni VP Sara Duterte sa katauhan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nang tawagin nitong “bangag” ang Pangulong Marcos, Jr. habang nakilahok naman ang Pangalwang Pangulo sa rally na nanawagan ng pagre-resign ni PBBM.

“VP Sara had not only condoned the statements of everyone in her family to label President Marcos, Jr. as “bangag” but she also joined the Quiboloy rally that mainly sought and loudly called for PBBM to step down. For the sake of delicadeza, it is best that she leaves the Cabinet for obvious reasons,” ani Valeriano.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Manila 3rd Dist. Cong. Joel R. Chua na nakukuwestiyon ngayon ang karakter at integridad ni VP Sara dahil sa pakikilahok nito sa mga rally na laban kay Pangulong Marcos, Jr. sa pamamagitan ng panawagan ng kaniyang pagbibitiw kahit na siya ay miyembro ng Gabinete.

“The Vice-President character and integrity are now in serious question. Paano mapaglilingkuran ni VP Sara nang tapat ang taumbayan kung ang dapat na katuwang niya ang Pangulo, hindi niya masuportahan nang buong katapatan,” wika ni Chua.