Amazon planong tanggalin sa trabaho libo sa susunod na linggo – ulat

273 Views

BAKU – Nakatakdang magsagawa ang Amazon ng ikalawang bugso ng pagtanggal ng mga empleyado sa susunod na linggo bilang bahagi ng mas malawak nitong layunin na bawasan ang humigit-kumulang 30,000 corporate workers, ayon sa Reuters.

Noong Oktubre, nagtanggal ang kumpanya ng tinatayang 14,000 white-collar na empleyado, halos kalahati ng 30,000 target na unang iniulat ng Reuters.

Inaasahang halos kapareho ng bilang noong nakaraang taon ang kabuuang matatanggal sa pagkakataong ito at maaaring magsimula na sa Martes, ayon sa mga source na humiling na huwag pangalanan dahil wala silang awtorisasyong magsalita tungkol sa mga plano ng Amazon.

Apektado umano ang mga trabaho sa Amazon Web Services, retail, Prime Video, at human resources unit ng kumpanya na kilala bilang People Experience and Technology, bagama’t hindi pa malinaw ang buong saklaw ng mga tatamaan ng tanggalan.

Nagbabala rin ang mga source na maaaring magbago ang mga detalye ng plano ng Amazon.

Iniugnay ng Seattle-based online retailer ang mga tanggalan noong Oktubre sa pag-usbong ng artificial intelligence software, at sinabi sa isang internal na liham na “ang henerasyong ito ng AI ang pinaka-transformatibong teknolohiyang nakita namin mula pa noong Internet, at nagbibigay-daan ito sa mga kumpanya na mag-innovate nang mas mabilis kaysa dati.”

Gayunman, kalaunan ay sinabi ni CEO Andy Jassy sa mga analyst sa earnings call ng kumpanya para sa ikatlong kwarto na ang pagbabawas ng empleyado ay “hindi talaga dahil sa pananalapi at hindi rin talaga dahil sa AI.”

Sa halip, aniya, “kultura” ang dahilan—na nangangahulugang sobra na ang burukrasya sa kumpanya.

“Nauuwi ito sa mas marami kang empleyado kaysa dati, at mas marami ring antas o layers,” ani Jassy.

Nauna nang sinabi ni Jassy noong unang bahagi ng 2025 na inaasahan niyang unti-unting liliit ang corporate workforce ng Amazon dahil sa mga episyensiyang dulot ng paggamit ng AI.

Lalong ginagamit ng mga korporasyon ang AI sa pagsusulat ng code para sa kanilang software at sa pag-adopt ng AI agents na nag-a-automate ng mga rutin na gawain, habang nagsisikap silang makatipid sa gastos at mabawasan ang pag-asa sa tao. Ipinromote ng Amazon ang pinakabago nitong AI models sa taunang AWS cloud computing conference nito noong Disyembre.

Ang kabuuang 30,000 trabaho ay maliit na bahagi lamang ng 1.58 milyong empleyado ng Amazon, ngunit halos 10% ito ng corporate workforce ng kumpanya. Ang karamihan sa mga empleyado ng Amazon ay nagtatrabaho sa mga fulfillment center at bodega.

Ito ang magiging pinakamalaking tanggalan sa tatlong dekadang kasaysayan ng Amazon. Noong 2022, nagbawas ang kumpanya ng humigit-kumulang 27,000 trabaho. PNA/AZERTAC