Calendar
Ang buhay natin sa ibabaw ng mundo ay hindi nasusukat sa dami ng ating pera o kayamanan (Lucas 12:13-21)
“AT sinabi ni Jesus sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan”. (Lucas 12:15)
MAY mga tao ang walang pakundangang nasasangkot sa kaliwa’t-kanang katiwalian. May ilan din naman ang mas kumakampi pa duon sa taong nasangkot sa pagdarambong o malakihang pagnanakaw sa halip na manindigan siya sa tama at katotohanan. Para sa kanila: Ang sukatan ng buhay ay pera.
Ganito ang tema ng ating Mabuting Balita (Lucas 12:13-21) tungkol sa isang taong lumapit kay Jesus at nagwika na ipag-utos nito sa kaniyang kapatid na ibigay sa kaniya ang bahagi ng mana na iniwan ng kanilang magulang (Lucas 12:13).
Kaya ano ang sabi ng Panginoong Jesus sa kaniya? Sino ang naglagay sa kaniya para maging hukom o tagapag-hati ng kanilang mana. Kasunod ang kaniyang babala na dapat silang mag-ingat sa lahat ng klase ng kasakiman dito sa ibabaw ng mundo. (Lucas 12:14-15)
ANG NAIS IPUNTO NG EBANGHELYO:
Mas pinahahalagahan ng tauhan sa kuwento na mas mahalaga para sa kaniya ang mga materyal na bagay na mistulang ito na lamang ang pinaka-mahalaga sa buhay ng isang tao. Para bang ito ang pangunahing dahilan kaya nabubuhay ang tao.
Ang lalake sa Pagbasa ay katulad din ng mga taong pumapasok at nasasangkot sa mga illegal na gawain. Bakit? Sapagkat para sa mga taong ito, ang materyal na bagay o ang pagiging isang mayaman ay parang isang “status symbol” para sa kanila.
Para sa kanila. Kapag ikaw ay mayaman, mataas ang tingin sayo ng Lipunan, kapag ikaw ay masalapi, marami kang kaibigan. Kapag ikaw ay maraming kuwarta, kaya mong pasunurin ang mga tao batay sa iyong kagustuhan. At kapag ikaw ay maraming salapi at kayamanan. Hawak mo ang kapangyarihan.
Kaya sa hangarin ng isang tao na mapasa-kamay niya ang mga materyal na bagay at kayamanan. Dito na siya nagiging sakim o “greedy”. Kaya hindi nakakapag-taka kung kahit illegal ay hindi ito mangingiming pumasok o magtampisaw sa masamang gawain.
Ang pagkagumon ng tao sa materyal na bagay at kayamanan ang nagtutulak sa kaniya upang siya ay maging ganid. Hindi na niya isinasa-alang alang at alintana ang magiging epekto ng kaniyang kasakiman sa kayamanan.
Kaya para malinawang mabuti ang mga tao sa Ebanghelyo. Isinaysay ni Jesus ang talinghaga ng lalaking mayaman na para sa kaniya. Ang pagkakaroon ng maraming ari-arian ang matatawag nitong “ultimate success” o tugatog ng tagumpay. (Lucas 12:16-21)
Ginamit niyang sukatan ang dami ng kaniyang ari-arian upang masabi nito sa kaniyang sarili na siya ay “fulfilled” na o kaya ay nakamit na nito ang tagumpay kaya maaari na siyang mamahinga. Subalit ang salapi nga ba ang sukatan ng tagumpay?
“At sasabihin ko sa aking sarili. Ayan! Marami na akong ari-arian. Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom at masasaya”. (Lucas 12:19)
HUWAG TAYONG MAGPA-ALIPIN SA PERA:
Hindi totoo ang kasabihan na “money is the root of all evil”. Hindi ang salapi ang masama kundi ang pagkasakim ng isang tao sa pera ang totoong nagtutulak sa kaniya sa kasalanan at kasamaan. Ang pera ay biyayang galing sa Panginoong Diyos.
Ang masama, kapag nagkaroon na ng salapi ang isang tao na ipinagkatiwala lang sa kaniya ng Diyos. Hindi na siya marunong makuntento at magpasalamat na para bang kulang pa. Kaya pati ang pag-aari ng iba ay pinagnanasaan narin niya.
May mga tao na hindi parin masaya at kuntento sa kanilang buhay sa kabila ng sila ay napakayaman. Kagaya ng yumaong American actor na si Robin Williams. Sa gitna ng kaniyang kasikatan at kayamanan, hindi parin siya masaya. Depressed parin siya. Kaya ano ang ginawa ni Robin Williams? Nag-suicide.
MAS MAHALAGA PA KAYSA SA SALAPI:
Mayroon pang mga mas higit na mahalaga kaysa sa pera at kayamanan dito sa ibabaw ng lupa. Ang totoong sukatan ng ating buhay ay hindi ang dami ng ating kayamanan at naipong pera. Kundi ang pagkakaroon natin ng tahimik na buhay, maayos na kalusugan, pagmamahalaan sa loob ng pamilya, pag-ibig at pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Ano ang magiging pakinabang ng ating kayamanan kung sa loob ng ating pamilya ay walang katahimikan? Ama laban sa anak at anak laban sa kaniyang magulang. Sila-sila ay nag-aaway away. Anong silbi ng ating kayamanan kung mayroon tayong malubhang karamdaman at anong silbi ng ating kayamanan kung hindi naman tayo masaya.
Mas mainam pa pala ang mga taong salat sa kayamanan. Kahit hindi sila nabiyayaan ng limpak-limpak na salapi subalit masaya naman ang kanilang pamumuhay. Kahit tuyo at sardinas lang ang kanilang pinagsasaluhan pero maligaya sila , wala silang pino-problema.
Hindi ang pagkakaroon ng pera o kayamanan ang problema. Kundi ang kawalan ng “kabusugan at kakuntentuhan” ng tao ang tunay na problema. Hindi na nga siya marunong magpasalamat sa mga biyaya ng Diyos. Nag-aasam pa siya ng mas higit pa sa kaniyang natanggap.
Mas mahalaga pa ba ang pera kaysa sa isang tahimik na buhay? Mas mahalaga pa ba ang kayamanan kaysa sa pagkakaroon ng kapayapaan sa loob ng ating pamilya? At mas importante pa ba ang salapi kaysa sa ating kalusugan? Minsan, sa paghahangad natin ng maraming kayamanan. Ang sarili naman natin ang ating isinasakripisyo.
AMEN

