Edd Reyes

Maynila aayusin muna ni Yorme Isko bago habulin mga ‘umubos ng pondo’

Edd Reyes Aug 6, 2025
341 Views

HATI ang opinyon at paniniwala ng nakararami sa isinusulong ng Department of Interior and Local Government (DILG) na total street parking ban sa mga lansangan sa Metro Manila.

Gusto kasi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ipagbawal sa lahat ng pampublikong lansangan ang pagparada ng mga sasakyan para lumuwag daw ang daloy ng trapiko.

Pero mismong si Metro Manila Council (MMC) President San Juan Mayor Francis Zamora ay naniniwalang mahirap itong ipatupad sa mga lungsod sa Metro Manila lalu na’t hindi naman maikakaila na hindi lang mayayaman na may kakayahang magkaroon ng sariling garahe ang nagmamay-ari ng sasakyan.

Ang pagkakaroon kasi ng sasakyan ay hindi lang luho, kundi pangangailangan, lalu na’t hindi pa naman ganoon ka-epektibo sa kasalukuyan ang pampublikong transportasyon, hindi tulad sa ibang bansa na kabi-kabila ang train stations, subway, at passenger buses na bumibiyahe.

Sabi ni Mayor Zamora, puwede namang ipatupad ang total ban sa mga pangunahing lansangan at Mabuhay Lanes, huwag na lang isali ang mga inner at tertiary roads na hindi naman regular na daanan ng mga sasakyan.

Isa pa, may kanya-kanya na rin namang regulasyon at ordinansa sa tamang pagparada ng sasakyan ang mga barangay sa mga nasasakupan nilang tertiary road upang malaya pa ring makadaloy ng maayos ang sasakyang patungo rito.

Sabi ni Mayor Zamora, nakabuo na raw sila ng technical working group na rerepaso sa rekomendasyon ng bawa’t alkalde na halos lahat ay tutol na isali ang inner road at tertiary road sa total parking ban.

Malamang na ang irekomenda na lang ng mga alkalde para sa total parking ban ang mga pangunahing lansangan na isang makatotohanang solusyon sa halip na ibilang ang lahat ng kalye na hindi naman regular na nadaraanan.

Ayusin ko muna Maynila bago habulin mga tiwali – Yorme Isko

SA inaugural speech ni Mayor Isko Moreno sa unang araw ng pag-upo niya sa puwesto, isa-isa niyang isiniwalat ang pagkakasangkot ng ilang mga dating opisyal sa pagka-said ng pondo ng Maynila.

May mga hindi pa siya pinangalanang opisyal na kailangang himayin muna mga ebidensiya pero tiyak na makakalkal din ito kalaunan kapag napagtuunan nang asikasuhin ng alkalde.

Sabi kasi ni Yorme, first things first. Kailangan aniyang ibalik muna niya sa kaayusan, kalinisan, kapanatagan ng loob ang mamamayan at higit sa lahat, magkaroon ng laman ang kaban ng bayan para hindi maantala, hindi lang ang pagkakaloob ng serbisyo sa Manilenyo, kundi higit sa lahat, ang sahod ng mga kawani.

Nakita naman ang resulta ng bilis-kilos ni Yorme at Vice Mayor Chi Atienza na wala pang isang buwan ay ramdam na ng Manilenyo ang malaking pagbabago, lalu na sa kalinisan at katahimikan.

Batid naman tiyak ng alkalde na kulang pa ang kanilang pagsisikap ni VM Chi na maka-ahon ng husto ng lungsod kaya hindi niya muna pinagtuunan ng pansin ang paghabol sa mga dating opisyal na hinihinalang nakinabang sa pagka-ubos ng pondo ng lungsod.

Alam kasi ni Yorme na sa ilalim ng inamiyendahang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, tinaasan sa 20-taon, mula sa dating 15-taon, ang prescriptive period o ang pagkapaso ng kasong katiwalian laban sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan kaya kahit pa tapusin niya ang siyam na taon niyang termino, puwede pang habulin ang mga dating opisyal na nakagawa ng katiwalian.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com