Calendar
Nepomuceno ipinapakita na karapat-dapat siya sa pwesto
MAGANDANG araw sa lahat ng ating mga suki.
Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.
Mag-ingat ang lahat dahil uso na naman ang kung anu-anong sakit.
Binabati natin ang nga kababayan natin sa Japan na sina Ma. Theresa Yasuki, Aimi Houchii, Chato Coronel, Patricia Coronel, Hiroki Hayashi, La Dy Pinky, Lorna Pangan Tadokoro, Endo Yumi, Yoshiko Katsumata, Winger dela Cruz, Roana San Jose at si Hiroshi Katsumata.
Ganun din kay Joanne de Guzman at iba pang OFW natin sa Oman at Jess Manuel ng Saudi Arabia.
(Para sa inyong pagbati at opinyon, mag-text sa # +63 9178624484)
***
Marami na naman ang napapakamot ng ulo kaugnay ng mga balitang may kinalaman sa impeachment case laban kay VP Sara Duterte.
May mga nagsasabi kasi na mukha daw inapura ang pagsulat ng decision ng Korte Suprema sa kaso ng impeachment ni Vice President Sara Z. Duterte. Ayon sa mga kumalat na usap-usapan, ang nasabing decision ay ibinabatay sa ilang factual errors at mukhang binago pa ang Saligang Batas pagdating sa impeachment. Nagdagdag pa daw ng mga requirements para sa paghahain ng isang impeachment complaint. Hindi ba ang trabaho ng Korte Suprerma ay i-interpret lang ang batas at hindi mag-amend o gumawa ng batas? Ayon pa maraming law experts, kung nagdagdag man ang Korte Suprema ng bagong requirements ay hindi puwedeng ipatupad ngayon dahil nagsimula ng gumulong ang impeachment.
Marami tuloy ang nagsasabi na baka naman may ibang gumawa ng decision dahil nagmamadali silang mailabas ang verdict ng Korte Suprema? Nagtatanong lang naman ang taumbayan dahil sa tingin nila ay baka inapura ang paggawa ng decision.
At bakit walang oral arguments para mailabas ang pros and cons sa kaso? Hindi pa naman huli ang lahat dahil nandiyan pa ang motion for reconsideration ng House of Representatives. Naniniwala tayo na maliliwanagan ang lahat paglabas ng decision ng Korte Suprema sa motion for reconsideration na inihain ng mga kongresista.
Sa tingin ng marami ay unti unting mababawasan ang korapsyon sa gobyerno habang papalapit ang 2028. Sa tingin nga ng marami ay kailangang maghanda-handa na ang mga tiwali sa mga opisina ng gobyerno. Sa kanyang state-of-the-nation address (SONA) ay hiniya niya ang mga taong nagsamantala sa mga flood-control projects ng gobyerno.
Pinatamaan niya ang mga mandurugas nang sabihin niyang “MAHIYA NAMAN KAYO.” Nagpapakita lamang na talagang galit na si Pangulong Bongbong. Hindi natin masisisi ang Pangulo dahil ang gusto niya ay lilisan siya sa Malakanyang na maganda ang kanyang performance. Tulungan natin si Pangulong Marcos para matupad ang kanyang magandang pangarap para sa bayan. Kaya naman dito ay malaki ang magagawa ni Commissioner Ariel S. Nepomuceno ng Bureau of Customs (BOC). Kailangang ipakita ni Commissioner Nepomuceno na handa siyang tumulong kay Pangulong Marcos.
Dapat mawala ang korapsyon sa aduana para lumaki ang revenue collection ng ahensiya sa nalalabing mahigit dalawang taon ni Marcos sa puwesto. Kaya nga siguro inilagay siya ni Pangulong Marcos sa BOC dahil naniniwala ang Pangulo sa kakayahan ni Commissioner Nepomuceno. Kung sabagay, ipinapakita naman ni Commissioner Nepomuceno na karapat-dapat siya sa puwesto.
Totoo naman!

