Edd Reyes

Yorme Isko binuko kakaibang rancho

Edd Reyes Aug 13, 2025
262 Views

IBINUKING ni Mayor Isko Moreno ang pagkakaroon dati ng farm o rancho sa loob ng Manila City Hall dahil may mga inaalagaan daw na baka rito na taon-taon ay ginagatasan.ng mga tiwali sa Department of Assessment.

Ginawa niyang halimbawa ang pagpunta raw ng isang taxpayer sa city hall para ireklamo ang napakataas na pagtasa sa kanyang propriedad kaya inalok daw siya ng kausap kung gusto niya ng 50% diskuwento na siyempre ay sasang-ayunan ng taxpayer.

Pero bago ang diskuwento, sinabihan daw ng tirador ang taxpayer na hati sila sa discount kaya kahit masama ang loob, papayag na rin dahil makakatipid pa rin siya. Kung halimbawa raw na P100 ang pagtasa at ang 50% diskuwento ay paghahatian pa nila ng tirador, makakatipid pa rin siya ng P25 taon-taon.

Kapag aniya nagpatuloy pa ang ganitong katiwalian, malulugmok talaga ang lokal na pamahalaan kaya hindi niya ito papayagan sa kanyang administrasyon.

Ang hindi aniya alam ng taxpayer, puwede siyang habulin ngayon ng pamahalaan kaya yung kanyang nakuhang diskuwento sa loob ng tatlong taon, dapat na niyang bayaran lalu na’t ang unang ordinansa sa kanyang administrasyon ay ang General Tax Amnesty.

P/BGen. Jack Wanky, prinsipyo ng Kaizen ang sinasandalan

IBINAHAGI ni Police Regional Office (PRO) 4A sa kapulisan ang paniniwala niya sa Kaizen principle na hango sa pilosopiya sa bansang Japan hinggil sa patuloy na pagbabago sa lahat ng gawain ng kapulisan.

Kaya saan man magtungo si BGen. Wanky, maging sa pagbibigay-pugay sa mga opisyal ng pamahalaan sa bawa’t lalawigan, mainit ang pagtanggap sa kanya, lalu na’t maigting ang kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.

Sa katunayan, sa loob lang ng isang araw mula Agosto 8 hanggang Agosto 9, umabot sa 170.84 gramo ng shabu at 6.00 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,162, 432.00 ang kanilang kabuuang nakumpiska.

At dahil masigasig ang PRO4A sa pagtugis sa mga drug pusher, sinamantala naman ng mga operators ng ilegal na sugal ang pagkakataon para ilatag ang kanilang iba’t-ibang ilegal na aktibidad gaya ng pergalan, saklaan, jueteng, at maging paihi sa ilang lalawigan.

Dito lang sa Laguna, isang alyas “Andy” ang nagbibigay proteksiyon sa mga pergalan nina alyas “Taguro” sa bayan ng Siniloan, alyas “Jervie” sa Pangil, Paete, at Brgy, San Antonio sa Kalayaan, alyas “Marvin”, “Tessie”, at “Melly” sa Longos, Kalayaan, Pila, Bay. Highway, at Bañadera sa Calamba.

May latag ding illegal numbers game sina alyas “Boyet”, “Panganiban”, “Arnel”, “Judith”, “Ronnie”, “Fe”, at “Nelma” sa Calamba, Cabuyao, Sta Rosa, Binan, at San Pedro habang dumayo rin sa Maragondon, Dasmarinas, Tanza, at Trece Martirez sa Cavite sina alya “Egay” “Bong”, “Greg” at “Adrian”.

Pero hindi lang illegal numbers game namayagpag ang mga ilegalista sa Cavite kundi mas marami ang inilatag nina alyas “Hero” at “Minong” na saklaan sa mga bayan ng Alfonso, Amadeo, Maragondon, Ternate, Naic, Silang, Bailen, Magallanes, Indang, at sa Dasmarinas.habang jueteng at EZ 2 naman ang raket sa lalawigan nina alyas “Jun”, “Toto”, “Nita”, “Kabayo”, at “Santander”.

Paihi o buriki naman ang nasa Brgy. Bancal sa Carmona na pinangangasiwaan nina alyas “Amang”, “Aldo” at “Lago” kaya kapag nabisto ang mga ito ni BGen. Wanky, malamang na magkaroon ng rigodon sa mga provincial commander.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com