Bro. Marianito Agustin

Ang Kuwaresma ay panahon para magsuri sa ating mga sarili: Ano ba ang gusto kong mangyari sa buhay ko – ang magpayaman sa lupa o magpayaman sa Langit?

337 Views

JesusANG linggo ng palaspas (palm Sunday) ang hudyat sa pagsisimula ng Kuwaresma o Holy Week. Subalit lubos kaya natin nauunawaan ang tunay na kahulugan ng Kuwaresma lalo na para sa ating pang araw-araw na pamumuhay?

Naitanong na ba natin sa ating mga sarili kung ano ang tunay na kahulugan at kahalagahan ng Holy Week para sa ating buhay? Sapagkat may ilan sa atin na ang tingin sa Holy Week ay panahon para sa isang engrandeng bakasyon, pagpunta sa beach at pagpunta sa ibang bansa para mag-relax.

Hindi masama ang mga gawaing ito sapagkat kailangan naman talaga ng ating katawan ang pahinga, relaxation at magkaroon ng family bonding sa ganitong panahon. Subalit mas higit na kailangan natin siguro ang kapahingahan ng ating espiritu sa pamamagitan ng soul searching o pagninilay-nilay.

Marahil ang itatanong natin ay bakit? Ang Holy Week ay ang panahon para tanungin ang ating mga sarili. Kamusta na ba ang aking buhay pananampalataya? Kamusta kaya ang aking relasyon sa Panginoon? At kamusta ang aking pang araw-araw na pamumuhay? Ito ba ay kalugod-lugod sa mata ng Diyos?

ANG KUWARESMA AY PANAHON PARA SURIIN ANG ATING MGA SARILI:

Ang Kuwaresma ay hindi lamang panahon para alalahanin at gunitain ang napakalaking sakripisyo na ginawa ng ating Panginoong HesuKristo para tayo mailigtas sa kasalanan sa pamamagitan ng pagpapa-pako at pagkamatay niya sa Krus.

Marahil, ang napakahalagang aspeto na dapat natin gawin sa ating mga sarili ay kung ano bang kabutihan ba ang ating nagawa sa ating kapwa? At kung tayo naman ay namumuhay sa kasalanan.

Ano na? Ipagpapatuloy ba natin ang mga masasamang gawain o sisimulan na natin ang pagbabagong buhay?

ANG KUWARESMA AY HINDI PANAHON NG BAIT-BAITAN:

Ang Kuwaresma ay hindi panahon para “kunwari bait-baitan lang” pagkatapos ay “back-to-normal” na naman matapos ang “resurrection” o ang muling ng pagkabuhay ng ating Panginoong HesuKristo. Ano yan “weather-weather lang?” (pana-panahon). Parang walang kabuluhan ang Holy Week dahil balik ulit tayo sa kasalanan.

Alalahanin lamang natin kung saan tayo dadalhin ng kasalanan kung ito ay ating ipagpapatuloy? Kung mabuti naman ang ating ginagawa. Sige lang, ipagpatuloy lang natin at bibiyayaan tayo ng Diyos dahil sa mabubuting bagay na ginagawa natin para sa iba. Ito ang pagkakataon para magdesisyon tayo para sa ating mga sarili.

PAGPA-PLANO PARA SA KINABUKASAN NG ATING KALULUWA:

Habang tayo ay naririto sa ibabaw ng mundo. Hindi lamang tayo nagpa-plano para sa ating kinakukasan at kinabukasan ng ating pamilya kundi nagpa-plano rin tayo para sa kinabukasan ng ating kaluluwa sakaling dumating ang takdang panahon.

Tanggapin man natin o hindi. Darating ang panahon na kailangan natin lisanin ang mundong ito (pansamantala lamang) at babalik tayo sa ating Ama sa Langit dahil ang buhay gaya ng parati nating naririnig ay hiniram lang natin sa Diyos.

Kaya minsan, may mga kapatid tayo ang walang pakundangan sa kanilang buhay. Mistulang hindi sila natatakot sa maaaring mangyari sa kanila, sakaling singilin sila sa masasamang ginagawa nila sa kanilang kapwa.

PAGNILAYAN NATIN ANG MGA BAGAY NA SUMISIRA NG ATING RELASYON SA DIYOS:

Magandang pagnilayan din natin ang mga bagay na sumisira sa ating pananampalataya at relasyon sa Panginoong Diyos – unang-una dito ay ang kasakiman (greed): Tayo ay inaakit ng “kalaban” (diyablo) na maging sakim o ganid sa mga materyal na bagay dahil ito ang unang-unang kinahuhumalingan ng tao.

Ang mga materyal na bagay at kayamanan dito sa ibabaw ng mundo ang kinakasangkapan ng demonyo para tayo ay madaling mahulog sa kasalanan dahil sa sobrang pagkahumaling natin dito.

Hindi naman masama ang karangyaan. Ito ay nagiging masama lamang kapag hindi na tayo marunong makuntento at sa halip ay naghahangad pa.

Ang pangalawa naman ay kayabangan (pride): Minsan, dahil sa dami ng ating kayamanan. Ang pakiramdam natin ay para na rin tayong Diyos dahil sinasamba tayo ng tao dahil sa mga bagay na mayroon tayo tulad ng popularidad at karangyaan.

Nakalimutan na natin na ang mga bagay na mayroon tayo gaya ng salapi, kayamanan at iba pang ari-arian ay ipinagkatiwala lamang sa atin ng Diyos para maibahagi din natin sa ating kapwa ang mga bagay na tinatamasa natin ngayon. Ano kaya tayo ang magiging itsura natin kung babawiin sa atin ng Panginoon ang mga bagay na iyan?

Ang pangatlo at panghuling bagay na sumisira sa ating pananampalataya at relasyon sa Panginoong Diyos ay ang idolatriya (idolatry): Ito ay ang sobrang pagkahumaling din sa mga bagay na naririto sa ibabaw ng mundo bukod sa materyal na bagay na halos mawalan na tayo ng oras at panahon sa totoong Diyos.

Ano ba ang mga bagay na ito? Una dito ay ang gadgets. Mas maraming oras ang ating ginugugol sa pagtutok sa ating mga gadgets na halos wala na tayong time para lamang magpasalamat sa Diyos dahil may kinakain pa tayo at bahay na tinutuluyan.

Minsan, may nakikita ako na kahit nasa loob mismo ng simbahan ay sige parin ang pagbutingting nila sa kanilang cellphone imbis na bitawan muna nila ito para manalangin at mag-concentrate sa Misa. Kaya hindi na nakakapagtaka na wala nga silang time para sa Diyos dahil naubos na ang oras nila sa kanilang gadgets.

Ang mga gadgets at materyal na bagay ang mistulang naging priority natin, samantalang secondary o pangalawa na lamang sa ating buhay ang Diyos. Itong panahon ng Kuwaresma ang panahon para i-asses natin mabuti ang ating mga sarili. ANO BA ANG GUSTO KONG MANGYARI SA BUHAY KO?

MANALANGIN TAYO:

PANGINOON naming Diyos, tulungan mo po nawa kami na lubos naming maunwaan ang tunay na kahulugan ng Kuwaresma upang ito ay hindi lamang namin maisa-puso. Bagkos, ito rin ay aming maisa-buhay para sa pang araw-araw ay maging Kristo din kami sa aming kapwa na kumakalinga at nagmamahal.

AMEN