Calendar
Aquino isusulong sapat na pondo para sa bagong voucher law
ISUSULONG ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino ang sapat na pondo para sa bagong Basic Education Voucher Assistance Act.
Sa ilalim ng batas, makagagamit ng voucher ng gobyerno ang mga kuwalipikadong estudyante para makapag-enroll sa mga pribadong paaralang may bakante pang puwesto.
Inanunsiyo ng Malacañang nitong Biyernes ang pagsasabatas ng Republic Act No. 12327. Nilagdaan umano ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre 12.
“Titiyakin nating mabibigyan ito ng sapat na pondo para maisakatuparan ang layunin ng batas,” wika ni Aquino.
Saklaw ng batas ang lahat ng antas ng basic education, mula Kindergarten hanggang Grade 12. Pinagsasama rin nito sa iisang legal na balangkas ang mga kasalukuyang voucher program.
Uunahin ang mga estudyanteng mula sa mahihirap at mababang-kitang pamilya.
Tatanggap naman ng subsidiya at iba pang suporta ang mga kasaling pribadong paaralan at ang kanilang mga guro para makatanggap ng mas maraming mag-aaral.
Ayon kay Aquino, mas mahigpit ang pananggalang ng batas laban sa pandaraya at pang-aabuso. May administratibo at kriminal na parusa ito, kabilang ang multa at posibleng pagkakakulong ng mga mandaraya.
Ilalabas umano ng Department of Education (DepEd) sa loob ng 60 araw ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas. Target umanong simulan ang programa para sa Kindergarten at elementarya sa School Year 2027-2028, depende sa pondong makukuha.
