Calendar
Aquino nananawagan ng rehab pondo para sa mga silid-aralang nasira ng lindol
SINABI ni Senador Bam Aquino na mahigit 1,000 silid-aralan ang nasira sa lindol sa Mindanao, kasabay ng panawagan niya na pabilisin ang pagpapalabas ng pondo para sa pagkukumpuni at repasuhin ang classroom construction program ng pamahalaan.
Ayon kay Aquino, nasa 3.2 milyong mag-aaral ang naapektuhan sa ilang rehiyon, kabilang ang Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen at Caraga.
Sa isang panayam sa Headstart, sinabi ni Aquino na kailangang kumilos agad ang pamahalaan upang kumpunihin ang mga nasirang silid-aralan o magpatayo ng mga bago, lalo na at marami nang mag-aaral ang naaantala ang pag-aaral dahil sa sakuna.
“Yung pagbibigay ng pondo para ma-repair yung mga classroom, o para gumawa ng mga bagong classroom, kailangan mabilis,” sabi ni Aquino.
Sinabi ni Aquino na isa sa mga prayoridad ng Senate education panel, sa oras na maipagpatuloy ang mga pagdinig, ang pagbusisi sa kalagayan ng P67-bilyong pondo para sa pagpapatayo ng nasa 25,000 hanggang 30,000 silid-aralan ngayong taon. [verify committee status and exact budget figure]
Aniya, kailangang malaman kung nasimulan na ang mga classroom project at kung maaabot ng pamahalaan ang target nito para sa 2026.
“Kasi June na. It’s already half of the year at marami sa mga classrooms na ito, hindi pa rin siya nasisimulan,” sabi ni Aquino.
Binigyang-diin din ni Aquino ang pangangailangang maipasa ang Classroom Acceleration Program upang makapagtayo ng mga silid-aralan ang mga lokal na pamahalaan kasabay ng national government.
Aniya, kung iisang ahensya lamang ang kikilos, maaaring abutin ng ilang dekada bago mapunan ang kakulangan sa silid-aralan, habang ang sabayang pagtatayo sa iba’t ibang lugar ay makatutulong din sa paglikha ng trabaho.
Sinabi ni Aquino na marami nang suliranin ang sektor ng edukasyon sa silid-aralan, feeding program, textbooks, internet access at suporta sa mga guro, kaya mas kailangang madaliin ang tugon ng pamahalaan sa mga paaralang nasira ng lindol.
Aniya, dapat ituring ang pagkukumpuni at muling pagtatayo ng mga paaralang tinamaan ng lindol bilang bahagi ng mas malawak na hakbang para tugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa.
