Calendar
SOURCE: MMDA
Artes pinangunahan paglunsad ng MMDA Coffee Table Book sa Pasay City
PINANGUNAHAN ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at concurrent Chairman ng Metro Manila Film Festival (MMFF) Atty. Don Artes ang paglulunsad ng MMFF Coffee Table Book Biyernes ng gabi sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Ang inilunsad na MMFF Coffee Table Book ay isang pagbibigay pugay sa kalahating siglo ng paglalakbay ng MMFF, tampok ang mga iconic na pelikula, larawan, makulay na kuwento at ang tagumpay nito na ayon kay Artes ay isa ring paraan upang balikan at ipagdiwang ang kasaysayan ng pelikulang Pilipino.
“Makikita rito ang mga larawan at kwento ng mga mahahalagang sandali at tagumpay ng MMFF. Isa itong alaala ng nakaraan at inspirasyon para sa hinaharap ng ating pelikulang Pilipino. Sana’y magsilbi itong paalala kung gaano kahalaga ang bawat pelikula, bawat kuwento, at bawat taong nagbigay-buhay sa ating industriya,” mensahe ni Artes sa Manila International Book Fair.
Pormal ding isinagawa ang turn over ng ABS CBN Publishing na naglathala ng “50 Years of Metro Manila Film Festival” Coffee Table Book sa mga opisyal ng MMDA at MMFF.
Kasabay nito, kinilala rin ang ilan sa MMFF Hall of Famers, gayundin ang mga bagong Hall of Famers, bilang pasasalamat sa kanilang natatanging kontribusyon sa MMFF.
Kabilang sa mga Hall of Fame Awardees sina Joey Reyes, screenwriter, director, FDCP chairperson, Joel Lamangan, director, National artist Ricky Lee, screenwriter;, Roy Iglesias, scriptwriter, Lee Meily, cinematographer, Manet Dayrit, editor at producer; at late national artist Nora Aunor na nirepresenta ni Lotlot de Leon habang napabilang naman bilang bagong Hall of Famers sina Judy Ann Santos at production designer Ericson Navarro.
Nagpasalamat din si Chairman Artes kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa lahat ng katuwang at sumusuporta sa MMFF, na dahil sa kanila ay patuloy na naipapakita sa mundo ang galing ng pelikulang Pilipino.

