Asistio

Asistio hinamon si Curlee Discaya na linisin pangalan ng mga dinawit na congressman

Mar Rodriguez Sep 10, 2025
269 Views

NAGPAHAYAG ng kagalakan ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio matapos na linawin ng flood control contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya na wala siyang direkta at naging transaksiyon kay House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez patungkol sa maanomalya at multi-milyong flood control projects.

Kasabay nito, hinamon ni Asistio si Discaya na kasunod ng ginawa nitong paglilinis sa pangalan ni Speaker Romualdez na linisin o bawiin narin nito ang kaniyang mga ipinahayag sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kontrobersiyal na flood control projects laban sa mga kongresistang idinawit nito.=

Pagbibigay diin ni Asistio na dapat linawin at sabihin na ni Discaya ang buong katotohanan patungkol sa pagkakadawit nito sa pangalan ng ilang kongresista na di-umano’y inambunan nito ng milyon-pisong kickback mula sa naturang proyekto.

Sinabi ng kongresista na malinaw na “nag-name dropping” lamang umano si Discaya sa imbestigasyon sa Senate Blue Ribbon kung saaan binanggit at pinangalanan nito ang mga kongresistang naka-transaksiyon nito sa flood control project.

Sa pagdinig ng InfraComm, nilinaw ni Discaya na wala siyang direktang transaksiyon at hindi nagkaroon mg anomang klase ng transaksiyon kay Speaker Romualdez kasama na si AKO Bicol Party List Representative Zaldy Co habang hindi naman nito nilinaw ang isyu tungkol sa mga kongresistang pinangalanan nito sa nakalioas na Senate investigation.

“Gusto ko lang pong linawin sa kanila na wala po akong direktang transaksiyon. Hindi po ako nagkaroon ng anomang klase ng transaksiyon kina Speaker Romualdez at Congressman Zaldy Co,” wika ni Discaya.