Pulubi

Babaeng pulubi nasakote sa pagdukot ng sanggol

203 Views

NASAKOTE ng pulisya ang 20-anyos na babaeng pulubi na tinuturong dumukot umano sa sanggol na anak ng mag-asawang kapwa niya nakatira sa kalye sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City noong Disyembre 10.

Sinabi nitong Martes ni P/Lt. Col. Michael John Villanueva, hepe ng Novaliches Police, hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin ang isang taon at pitong buwang sanggol na kinilalang si Baby Jane.

Ayon kay Villanueva, magkakakilala ang babaeng suspek at ang magulang ng bata dahil magkatabi lamang ang kanilang tinutulugan sa bangketa.

Sa ulat, naghahanda ang ama at ina ni Baby Jane nag kanilang kakainin sa labas ng isang convenience store nang alukin sila ng suspek na siya na lang ang sasagot ng kanilang ulam.

Nang pumayag ang mag-asawa ay agad kinarga ng suspek ang sanggol subalit halos ilang oras at araw na silang naghiintay ay hindi po bumabalik ang suspek kaya agad na silang nagsumbong sa pulis.

Sa imbestigasyon na pulisya, alas-6 ng gabi nakita sa CCTV sa lugar ang suspek habang karga ang bata kaya agad nilang pinuntahan ang convenience store nitong Biyernes, December 12, at dinampot ang suspek pero wala sa kaniya ang sanggol.

Nabatid pa ng pulisya, na nakita ang suspek na namamalimos habang may kargang bata.

Inihahanda na ang kasong child abuse at kidnapping laban sa suspek na tikom pa rin ang bibig kung nasaan ang dinukot na sanggol.