Bag na may P32K naiwan sa NAIA security checkpoint, naibalik sa may-ari

Jun I Legaspi Jan 13, 2026
255 Views

IBINALIK sa may ari ang kanyang bag na naglalaman ng P32,000 at $166 na naiwan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Enero 7.

Ayon kay Nelson Advincula ng Office for Transportation Security (OTS), nalaman na naiwan ang bag ng dayuhang may-ari sa huling security screening checkpoint ng NAIA Terminal 2 bago sumakay sa Philippine Airlines flight PR 2963 patungong Busuanga.

Habang ginagampanan ni Advincula ang kanyang tungkulin, napansin niya ang isang bag na naiwan sa service tray. Agad niya itong iniulat sa checkpoint supervisor para sa tamang safekeeping.

Makalipas ang ilang sandali, lumapit ang isang dayuhang pasahero sa OTS upang humingi ng tulong sa paghahanap ng kanyang nawawalang bag.

Matapos beripikahin ang pagmamay-ari, naibalik sa kanya ang naturang bag na naglalaman ng salapi.

Nagpasalamat ang pasahero kay Advincula.