LPA

Bagong bagyo malamang mabuo

227 Views

MATAAS ang tsansa na maging bagyo ang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility sa loob ng susunod na 24 na oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Miyerkules ng hapon.

Sa ulat ng Pagasa, alas-2 ng hapon, namataan ang LPA sa layong 1,655 kilometro silangan hilagang-silangan ng Basco, Batanes.

Sa ngayon, inaasahang maaapektuhan ng Southwest Monsoon (Habagat) ang lagay ng panahon ng bansa.

Ang mga lugar na ito ay ang Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro, at Antique.

Habang ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, BARMM, at ang natitirang bahagi ng Western Visayas, mainland Cagayan, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Palawan, Lanao del Norte, Sultan Kudarat, at Sarangani ay makakarans ng kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa Habagat.

Ang katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan ay maaaring magdulot ng flash flood at landslide.

Sinabi rin ng PAGASA na humina na ang Tropical Cyclone Danas (dating Bising) at naging tropical depression.

Alas-2 ng hapon, namataan ito sa layong 695 km hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes, o sa paligid ng Fujian, China, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras at pagbugsong 90 km/h, at kumikilos sa silangan timog-silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras.