Neneng Larawan: PAGASA/FB

Bagyong Neneng bumilis, inaasahang magiging LPA

22 Views

Bumilis ang pagkilos ng Tropical Depression Neneng habang tinatahak ang direksyong west-northwest sa bilis na 30 kilometro kada oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Agosto 20.

Bandang alas-4 ng madaling araw, namataan ang bagyo 390 kilometro hilaga ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas na hanggang 45 kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kph.

Wala namang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang bahagi ng bansa. Gayunman, makararanas ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin ang malaking bahagi ng Luzon at Visayas, gayundin ang Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Davao Region dahil sa pinalakas na habagat.

Inaasahan ding magiging maalon ang karagatan sa Batanes, hilaga at kanlurang bahagi ng Babuyan Islands, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Zambales, kanlurang bahagi ng Pangasinan at hilagang bahagi ng Kalayaan Islands.

Pinayuhan ng PAGASA ang mga sakay ng motorbanca at iba pang maliliit na sasakyang-dagat na mag-ingat sa paglalayag. Samantala, inaasahang hihina si Neneng at magiging remnant low sa loob ng susunod na 12 oras.