Calendar
Bala sa sinturera ng pasahero kinumpiska sa Dipolog Airport
ISANG piraso ng bala na nakakabit sa sinturera ng pantalon ng isang pasahero ang nakumpiska ng Security Screening Officers (SSO) ng Office for Transportation Security (OTS) sa Dipolog Airport Station noong Lunes.
Ayon sa pasahero, ginagamit umano niya ang naturang bala bilang anting-anting.
Ayon sa report, habang isinasagawa ni SSO Alfie N. Rapliza ang routine security screening procedure, may napansin itong kahina-hinala sa baywang ng pasahero.
Agad niyang tinawag ang atensyon ni SSO Maria Ira L. Eguia kasama ang officer mula sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP) upang kumpirmahin ito.
Dito natukoy na ang kahinahinalang bagay ay isang bala, na kalaunan ay kinumpirma ng pulis bilang M16 empty shell ammunition.
Ang nakumpiskang bala ay agad na inendorso sa PNP AVSEGROUP matapos irekord ang insidente. Pagkatapos ng kaukulang dokumentasyon, pinayagan naman ng PNP AVSEGROUP na makalipad ang pasahero.
Samantala, muling nagpaalala si Undersecretary Gilberto DC Cruz, ang OTS administrator, sa mga pasahero na huwag magdala ng mga anting-anting mula sa kahit anong komposisyon ng bala, may pulbura man o wala, lalo kung walang sapat na lisensiya o permit mula sa PNP, upang hindi maabala sa kanilang paglipad lalo na ngayong holiday season.
“Gusto ko pong paalalahanang muli ang mga pasahero natin sa mga paliparan na iwasan ang pagdadala ng mga anting-anting na gawa sa bala para tuluy-tuloy ang daloy sa security screening checkpoint, lalo na po ngayong papalapit ang Christmas season. I-check po nila ‘yong kanilang mga bag para sa anumang prohibited item na maaaring naiwanan nila mula sa kanilang previous travel,” paalala ni Cruz.

