Calendar
Bangkay na tumatanggap ng pensyon sa Maynila nabuking
HINDI naitago ni Manila 3rd District Councilor Timothy Oliver “Tol” Zarcal ang galit nang magsagawa ng privilege speech kaugnay sa patuloy aniyang pagtanggap ng buwanang pensiyon ng senior citizen na matagal na palang namayapa.
Nang magsagawa kasi ng imbestigasyon ang oversight committee ng Sangguniang Panlungsod, natuklasan na may senior citizen na limang taon na palang tigok sa Barangay 890 pero kasama pa siya sa P500 kada buwan na quarterly payout ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Katuwiran daw ng Kabesa ng barangay, wala siyang alam sa patuloy na pagtanggap ng pensiyon ng senior citizen dahil ang kanyang Secretary at Treasurer ang gumagawa ng payroll at pinalalagdaan lamang ito sa kanya.
Pero sa halip na mapaglubag ni Kapitan ang loob ni Konsehal Tol Zarcal, lalu pang nanggalaiti sa galit ang konsehal, na nasa ikatlong termino na ng kanyang panunungkulan, dahil bakit aniya hindi alam ng Punong Barangay ang nangyayari sa kanyang lugar na nasasakupan gayung isa siyang lingkod-bayan.
Sabi pa ng konsehal, ang kanilang trabaho ay makapaglingkod sa taong nangangailangan ng tulong, at hindi ang harbatan pa ang taong matagal ng wala sa mundo. Kahit aniya hukayin pa sa libingan ang namayapa ay wala na ring silbi sa kanya ang salapi kung ibigay man ito sa kanya.
Malamang na hindi lamang sa Baragay 890 nangyayari ang ganitong raket at nagkataon lang na may impormasyong natanggap ang konsehal kaya ito nabuko.
Puwede kasing pekein o i-forge ang lagda sa payroll para makubra ang pensiyon at posible rin na hindi kaagad natatanggal sa Office of Senior Citiens Affairs (OSCA) ang pangalan ng namayapa dahil sa kabagalang ng kaoordinasyon sa Local Civil Registry.
Sana, ang mga ganitong uri ng nangyayari sa mga barangay, ay nasilip din ng mga mambabatas bago nila ipasa ang batas para sa muling pagpapaliban sa Barangay at Sanggunilang Kabataan Election (BSKE) na paulit-ulit na ginagawa ng Kongreso.
Katuwiran kasi ng ilang mambabatas na nagsulong sa term extension ng barangay officials, halos lahat daw ng kanilang kinausap na mga barangay official ay pabor sa pagpapaliban muli ng halalan. Ngek! Eh hindi ba nila kinuha ang pulso naman ng mamamayan?
NCAP sa Maynila pamamahalaan na ng MTPB
HINDI na pala ang third party service provider na QPax Traffic Systems Inc. ang mamamahala sa No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa Lungsod na Maynila kundi ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na.
Sabi ni MTBP Operation Chief Wilson Chan Sr, epektibo na ang NCAP sa mga pangunahing lansangan sa lungsod na kanila ng pamamahalaan, dahil binawi na ng Korte Suprema ang inilabas na injunction nang baguhin na ang umiiral na ordinansa para makasunod sa umiiral na Metro Manila Traffic Code of 2023 nang sa gayon ay mapag-isa na lamang ang halaga ng babayarang multa ng mga nahuhuling motorista.
Noon kasing unang inilunsad ang NCAP sa Maynila, pinamahalaan ito ng pribadong service provider at binibigyan lang ng 30% sa nasisingil na multa ang lokal na pamahalaan at sa kanila napupunta ang 70% kaya hanggang leeg kung sumingil ng multa kahit sa simpleng traffic violation lang ng motorista.
Mainam din naman na may NCAP sa Maynila dahil sa totoo lang, napakaraming pasaway na motorista na lumalabag sa batas trapiko lalu na kapag wala silang nakikitang traffic enforcer sa lansangan.
Kaya lang, papaano mamumultahan ang mga nagmamaneho ng e-bike at e-trike na walang plate number gayung sila na ngayon ang itinuturing na hari ng lansangan dahil lahat yata ng paglabag ay kanilang nagagawa ng hindi nasisita ng mga pulis at traffic enforcer.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
