Barangay kagawad sa Albay, arestado sa ilegal na baril

63 Views

Arestado ang isang incumbent barangay kagawad matapos makumpiskahan ng isang kalibre .38 na revolver at dalawang bala sa bisa ng search warrant sa Ligao City, Albay, dakong alas-6:00 ng umaga nitong Nobyembre 26, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Tope,” 45-anyos, na inaresto sa Purok 7, Barangay Tinago. Pinangunahan ng 1st Provincial Mobile Force Company ang operasyon, katuwang ang Ligao City Police Station at Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Albay Police Provincial Office.

Isinagawa ang operasyon kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Bukod sa baril at mga bala, lumitaw sa beripikasyon sa e-Warrant System na mayroon siyang tatlong naunang warrant of arrest, dalawa rito ay may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Gayunman, lahat ng naturang warrant ay dati nang naipatupad.

Ayon sa Police Regional Office 5, patuloy nitong paiigtingin ang operasyon laban sa loose firearms at pananagutin ang mga indibidwal na lumalabag sa batas bilang bahagi ng kampanya para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Bicol Region.