Calendar
Barbers sa 4 na umurong na Maleta Boys: Utak pangalanan, ebidensiya ipakita
HINAMON noong Biyernes ni House trial spokesperson at impeachment adviser Robert “Ace” Barbers ang apat na miyembro ng tinaguriang “Maleta Boys” na tukuyin ang mga taong umano’y nagplano at nag-utos sa paggawa ng mga sinumpaang salaysay na kalaunan ay kanilang binawi laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan at iba pang personalidad. Ayon kay Barbers, dapat managot ang sinumang nasa likod ng naturang mga alegasyon.
Si Barbers, dating lead chair ng House Quad Committee at dating chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ay nanawagan matapos bawiin ng apat na umano’y dating Marine officer ang kanilang mga paratang na nag-uugnay sa ilang mambabatas sa sinasabing cash-for-signatures scheme na may kaugnayan sa impeachment ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte.
Ang tinaguriang “Maleta Boys” ay grupo ng 18 kalalakihan na nagsasabing dati silang bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co. Inakusahan nila na naghatid umano sila ng mga maleta na naglalaman ng pera sa ilang opisyal ng gobyerno kaugnay ng impeachment ni Duterte.
“Ito ang pakiusap natin sa apat na ito, dapat siguro mas maging matapang pa kayo. Pangalanan n’yo sino ‘yung mga ‘yan,” ani Barbers sa isang online press conference.
“At kung kayo may ebidensya, ipakita n’yo na itong sinasabi ninyo ay may katotohanan, nang sa ganoon hindi naman maapektuhan itong mga taong pinangalanan nila doon sa kanilang joint affidavit,” dagdag niya.
Ayon sa ulat ni Mariz Umali sa programang “24 Oras,” apat na lalaki na nagpakilalang dating bodyguard ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang nagsumite ng mga affidavit na bumabawi sa kanilang naunang mga alegasyon laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Zaldy Co, at iba pang mga politiko.
Sa isa pang ulat, sina Rosebert Macasasa Waupan, Cecilio Serafica Larroder Jr., Benny Bulontate, at Bernard Tube ay naghain ng magkakahiwalay na affidavit kung saan binawi nila ang mga nauna nilang pahayag na isinumite sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa kanila, sila umano ay pinilit, tinakot, o hinikayat na lumagda sa mga nakahanda nang affidavit. Iginiit din nila na kabilang umano si Atty. Levi Baligod sa mga nagbigay ng direksyon sa kanilang mga kilos at nagturo sa kanila kung ano ang sasabihin sa publiko.
Tinukoy rin ng apat na testigo sina dating Rep. Mike Defensor at Senador Rodante Marcoleta bilang ilan sa mga personalidad na umano’y nangakong bibigyan sila ng legal o pampulitikang suporta.
Samantala, si Jeron Gaveria Balderama, na nagsumite rin ng affidavit, ay hindi nagbawi ng anumang naunang testimonya. Nilinaw niya na hindi siya kabilang sa grupong tinawag na “18 Marines,” wala siyang personal na kaalaman sa mga akusasyong nakasaad sa kanilang mga affidavit, at hindi niya nasaksihan ang sinasabing paghahatid ng pera, mga maleta, o paper bag.
Ayon kay Barbers, ang pagbawi ng salaysay ng apat ay nagbubukas ng seryosong tanong kung paano inihanda ang affidavit at kung may nagturo sa kanila ng kanilang sasabihin.
“Sila mismo nagsabi na merong nagtutulak sa kanila, merong gumawa ng kanilang joint affidavit, at merong nagsasabi sa kanila na ito ang sabihin,” ani Barbers.
“Hindi ba nakakabahala ‘yun?,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Barbers na dapat managot ang mga taong umano’y gumawa ng mga gawa-gawang akusasyon at sumira sa reputasyon ng mga taong isinama sa affidavit.
“Kung sino man ang gumawa nitong fabricated lies na ito, sino man ang gumawa nitong paninirang puri na ito, eh siguro dapat panagutin nila ‘yan sa batas,” aniya.
Binanggit din ni Barbers na siya ang unang naghain ng kasong libel at cyberlibel laban kay Atty. Levito Baligod at sa tinaguriang “Maleta Boys,” at sinundan ito ng iba pang mambabatas na naghain din ng kahalintulad na mga kaso.
Ayon sa kanya, ang pagbawi ng affidavit ay lalo lamang nagpatibay sa kanyang paniniwala na hindi totoo ang mga orihinal na alegasyon.
“Meron nang inconsistency sa mga pahayag nitong mga 18 na ito, pati si Atty. Baligod. Alam mo na merong pagsisinungaling, alam mo na merong paninirang-puri,” sabi ni Barbers.
Nang tanungin kung ano ang maaaring nagtulak sa apat upang bawiin ang kanilang mga alegasyon, sinabi ni Barbers na naniniwala siyang maaaring konsensya ang dahilan.
“The only thing I can think of is probably konsensya,” aniya.
Idinagdag pa ni Barbers na sinabi rin ng apat na lalaki na pinangakuan umano sila ng tulong pinansyal at proteksyon matapos nilang lagdaan ang affidavit, ngunit kalaunan ay napag-alaman nilang hindi natupad ang mga pangakong iyon.
Hinikayat niya ang iba pang natitirang miyembro ng grupo na lumantad din kung sila man ay nalinlang o napaniwala sa parehong paraan.

